LINGGO, MAYO 4, 2025
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Paggunita kay San Florian, martir
LANDAS NG PAG-ASA : “BALIK KA NA RIN BA?”
[MABUTING BALITA]: JUAN 21 : 1 - 19
Noong panahong iyon, muling napakita si Hesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang pangyayari. Magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana, Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawang pang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” “Sasama kami,” wika nila. Umalis sila at lumulan sa bangka, subalit walang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, tumayo si Hesus sa pampang, subalit hindi siya nakilala ng mga alagad. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” “Wala po,” tugon nila. “Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makahuhuli kayo,” sabi ni Hesus. Inihulog nga nila ang lambat at hindi nila ito mahila sa dami ng huli. Sinabi kay Pedo ng alagad na minamahal ni Hesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Simon Pedro, siya’y nagsuot ng damit sapagkat hubad siya at tumalon sa tubig. Ang kasama niyang mga alagad ay sumapit sa pampang, sakay ng munting bangka, hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong kalayuan sa pampang – mga siyamnapung metro lamang. Pag-ahon nila sa pampang ay nakakita sila roon ng mga baga na may isdang nakaihaw, at ilang tinapay. “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Hesus. Kaya’t sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda – sandaan at limampu’t tatlong lahat. Hindi napunit ang lambat, kahit gaano karami ang isda. “Halikayo at mag-almusal tayo,” sabi ni Hesus. Isa man sa mga alagad ay walang nangahas magtanong sa kanya kung sino siya, sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Hesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, gayon din ang isda.
Ito ang ikatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad pagkatapos na siya’y muling mabuhay.
Pagkakain nila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman niyong iniibig ko kayo.” Ani Hesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa,” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro, sapagkat makaitlo siya tinanong: “Iniibig mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin!”
Video by Ruel Morales : Unit Manager/Financial Adviser-AXA Philippines. Independent Coffee Distributor. Covenanted Member-Ang Ligaya ng Panginoon
#LandasngPagasa #catholic #scriptures #bibleeadings #Jesus #CatholicChurch #christian #church #faith #god #jesuschrist #love #pray #bible #christianity #prayer #hope #gospel