Masayang ibinalita ni Miss Jacqueline “Jackie” Gorospe, pinuno ng Communications at Customer Relations ng Light Rail Manila Corporation – ang nagpapatakbo ng LRT Line 1, na dumating na ang una sa 30 bagong tren na inorder nila mula sa bansang Espanya. Naging guest si Jacqueline sa aking programa sa radyo (Good Trip, DZRJ810AM) noong Sabado ng hapon.
Ipinakita ang bagong tren sa publiko noong ika-26 ng Enero sa isang seremonyang dinaluhan ng mga pinuno at kinatawan ng Department of Transportation (DOTr), Light Rail Transit Authority (LRTA), Light Rail Manila Corporation (LRMC), Japan International Cooperation Agency (JICA), Mitsubishi Corporation, at Construcciones y Auxiliar de Ferrocariles (CAF) at CMX Consortium.
Ang isang tren ay may apat na bagon o light rail vehicles (LRV) at maglalaman ng 1,300 pasahero bawat biyahe. May kabuuang 120 bagon ang order ng LRMC para sa 30 train sets. Mula ngayon hanggang Mayo 2022, isang train set ang darating sa bansa bawat buwan mula sa Spain at Mexico.