Listen

Description

Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig sa kamay ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. (Mga Hebreo 12:3, MBBTAG)

Isa sa pinakapambihirang kakayahan ng isip ng tao ay ang kakayahang pagtuunan ang isang bagay na pinipili nito. Puwede tayong tumigil sandali at sabihin sa ating isip, “Pag-isipan ito, hindi iyan.” Kaya nating ituon ang ating pansin sa isang ideya o larawan o problema o pag-asa.

Kamangha-manghang kapangyarihan ito. Duda ako kung may ganito ang mga hayop. Marahil ay hindi sila nagmumuni-muni tungkol sa kanilang sarili, kundi pinamamahalaan ng impulse at instinct.

Hindi mo ba pinapansin ang matinding sandatang ito na kasama ng ibang sandata sa iyong pakikidigma laban sa kasalanan? Paulit-ulit tayong tinatawag ng Biblia na gamitin ang pambihirang regalong ito. Kunin natin ang regalong ito mula sa istante, pagpagin, at gamitin.

Halimbawa, sinabi ni Paul sa Roma 8:5–6, “Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay inilalagay ang isipan sa mga bagay na ukol sa laman, ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay inilalagay ang isipan sa mga bagay na espirituwal. Sapagkat ang isipang nakatutok sa laman ay kamatayan, ngunit ang isipang nakapaloob sa Espiritu ay buhay at kapayapaan” (sariling salin).

Nakamamangha nito. Ang nilalagay mo sa iyong isipan ang tumutukoy kung ang isyu ba’y buhay o kamatayan.

Marami sa atin ang naging masyadong pabaya sa paghahangad na magbago at maging buo at mapayapa. Sa tingin ko, sa ating therapeutic age, nahulog na tayo sa passive mindset na “pag-usapan ang ating mga problema” o “harapin ang ating mga isyu” o “tuklasin ang ugat ng ating basag-basag na pinagmulan."

Ngunit may nakikita akong mas agresibo at di-pabayang paraan para magbago sa Bagong Tipan. Ito’y ang pagtatakda ng isipan. “Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa” (Colosas 3:2).

Malaki ang epekto ng ating mga iniisip sa ating mga emosyon  — kung ano ang pinapatira natin sa ating isipan. Halimbawa, sinabi sa atin ni Jesus na pagtagumpayan ang anxiety gamit ang ating mga isinasaalang-alang: “Tingnan ninyo ang mga uwak . . . Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa parang” (Lucas 12:24, 27).

Ang isipan ang bintana ng puso. Kung hahayaan nating palaging manahan sa dilim ang ating isipan, magdidilim din ang ating puso. Pero kung bubuksan natin ang bintana ng ating isipan sa liwanag, madarama ng ating puso ang liwanag.

Higit sa lahat, ang matinding kakayahan ng ating isipan na mag-focus at mag-isip ay para isipin si Jesus (Mga Hebreo 12:3). Kaya, gawin natin ito: “Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig sa kamay ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob.”