“Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito; gayunma’y huwag kayong lumihis mula sa pagsunod sa Panginoon, kundi kayo’y maglingkod nang buong puso sa Panginoon. Huwag kayong bumaling sa pagsunod sa mga bagay na walang kabuluhan na hindi magbibigay ng pakinabang o makapagliligtas, sapagkat ang mga iyon ay walang kabuluhan. Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan, sapagkat kinalugdan ng Panginoon na gawin kayong bayan para sa kanya.” (1 Samuel 12:20–22, ABTAG)
Nang natakot ang mga Israelita at nagsisi sila sa kanilang kasalanang paghiling kay Samuel na bigyan sila ng hari tulad ng ibang mga bansa, dumating naman ang mabuting balita: “Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito.” Nakikita mo ba kung gaano ito ka-backward pakinggan — backward at kamangha-mangha? Marahil ay inaasahan mong sabihin niya, “Matakot kayo, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito.” Isa itong mabuting dahilan para matakot: Malaki ang iyong pagkakasalang humiling ng iba pang hari bukod sa Diyos! Ngunit hindi ito ang sinabi ni Samuel. “Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito.”
Nagpatuloy siya, “Huwag kayong lumihis mula sa pagsunod sa Panginoon, kundi kayo’y maglingkod nang buong puso sa Panginoon. Huwag kayong bumaling sa pagsunod sa mga bagay na walang kabuluhan na hindi magbibigay ng pakinabang o makapagliligtas, sapagkat ang mga iyon ay walang kabuluhan.”
Ito ang ebanghelyo: Kahit na malaki ang iyong kasalanan, at sobrang dinishonor mo ang Diyos, kahit na mayroon ka nang hari at nagkasala ka sa paghingi ng iba pang hari, kahit hindi na mababago ang kasalanang ito o ang masasakit na bungang paparating pa lamang, mayroon pa ring kinabukasan at pag-asa. Mayroon pa ring awa.
Huwag matakot!
Heto ang saligan — ang batayan at pundasyon — ng ebanghelyo sa 1 Samuel 12:22. Bakit hindi mo kailangan matakot, kahit na ginawa mo ang lahat ng kasamaang ito? “Hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan, sapagkat kinalugdan ng Panginoon na gawin kayong bayan para sa kanya.”
Ang saligan ng ebanghelyo ay ang commitment ng Diyos sa Kanyang pangalan. Naririnig mo ba? Huwag kang matakot, kahit ikaw ay nagkasala. “Hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan.” Dalawa dapat ang epekto nito sa iyo: madudurog ang iyong puso na pagpapakumbaba at mapapaindak ka sa tuwa. Pagpapakumbaba dahil hindi ang halaga mo ang pundasyon ng iyong kaligtasan. Kaligayahan dahil ang iyong kaligtasan ay tiyak, tulad ng katapatan ng Diyos sa Kanyang pangalan. Wala nang mas sigurado rito.