Listen

Description

Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan.

Juan 17:18

Ang Pasko ay isang modelo para sa mga misyon. Ang pagmimisyon ay salamin ng Pasko. Kung ano ako ay ikaw din.

Halimbawa, panganib. Dumating si Cristo nang mag-isa, at hindi Siya tinanggap ng mga kalahi Niya. Ikaw din. Siya’y pinagbalakan nila nang masama. Ikaw din. Wala Siyang permanenteng tirahan. Ikaw din. Siya’y hinagupit at nilibak. Ikaw din. Namatay Siya matapos ang tatlong taon ng ministeryo. Ikaw din.

Ngunit may mas malalang panganib kaysa sa lahat ng ito, na natakasan ni Jesus. Ikaw din!

Noong mid-sixteenth century, sumulat ang misyonerong si Francis Xavier (1506–1552) kay Father Perez ng Malacca (ngayo’y bahagi ng Malaysia) tungkol sa mga panganib ng pagmimisyon sa China. Sabi niya, “Ang pinakamapanganib ay mawala ang tiwala sa habag ng Diyos . . . Ang mawalan ng tiwala sa Kanya ay mas masahol pa sa anumang pisikal na kasamaan na maaaring iparanas sa atin ng lahat ng kalaban ng Diyos, dahil kung walang pahintulot ay hinding-hindi tayo mapipigilan ng mga demonyo o ng kanilang mga tauhan.”[1]

Hindi kamatayan ang pinakamalaking panganib na hinaharap ng misyonero kundi ang kawalan ng tiwala sa habag (mercy) ng Diyos. Kung maiiwasan ang panganib na ito, mawawala na ang sakit ng iba pang panganib.

Sa dulo ng lahat, ginagawang scepter ng Diyos ang bawat patalim sa ating kamay. Sabi nga ni A.J. Alexander, “Ang bawat pagpapagal ay may biyayang binabayaran ng milyon-milyong taon ng kaluwalhatian.”[2]

Naiwasan ni Cristo ang panganib na ito — ang panganib na hindi pagkatiwalaan ang Diyos. Kung gayon ay itinaas siya ng Diyos. Tulad Niya, ikaw din.

Tandaan ngayong Advent na ang Pasko ay modelo para sa pagmimisyon.

Kung ano ako ay ikaw din. At ang misyon na ito ay nangangahulugan ng panganib. At ang pinakamatinding panganib ay hindi pagkatiwalaan ang awa ng Diyos. Sumuko rito at mawawala ang lahat. Pagtagumpayan ito at walang makakasakit sa iyo nang milyong taon.

[1] From “A Letter to Father Perez,” in Classics of Christian Missions, ed. Francis M. DuBose (Nashville, TN: Broadman Press, 1979), 221f.

[2] J. W. Alexander, Thoughts on Preaching: Classic Contributions to Homiletics (Edinburgh: Banner of Truth, 1975), 108.