Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. (1 Timoteo 6:10)
Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sinulat niya ito? Hindi ito tungkol sa palaging pag-iisip ng salapi habang nagkakasala ka. Maraming kasalanan ang nangyayari kapag hindi natin iniisip ang salapi.
Ito ang aking suggestion: Ibig sabihin ni Pablo, lahat ng kasamaan sa mundo ay nagmumula sa isang uri ng puso, isang pusong umiibig sa sa salapi.
Ano ba ang ibig sabihin ng pag-ibig sa salapi? Hindi ito ang sobrang paghanga sa kulay-ubeng 100-peso bills o mga baryang tigsa-sampung piso. Upang malaman ang ibig sabihin ng pag-ibig sa salapi, dapat mong tanungin, Ano ba ang salapi? Sasagutin ko ito nang ganito: Ang salapi ay simbolo na tumatayo sa resources ng tao. Tumatayo ito sa makukuha mo mula sa tao — ibang tao — imbis na sa Diyos.
Grace ang currency ng Diyos, hindi salapi: “Narito ang tubig, kayong mga nauuhaw. Ang mga walang salapi ay lumapit din dito, bumili kayo ng pagkain at ito’y kainin ninyo!” (Isaiah 55:1). Salapi ang currency ng resources ng tao. Kaya naman ang pusong umiibig sa salapi ay isang pusong umaasa rito, hinahabol ang kaligayahang dulot nito, at nilalagay ang tiwala sa mga kayang ibigay ng resources ng tao.
Kaya ang pag-ibig sa salapi ay kapareho ng pananampalataya sa salapi — paniniwala (tiwala, kumpiyansa, kasiguraduhan) na tutugunan ng salapi ang iyong mga pangangailangan at paliligayahin ka nito.
Ang pag-ibig sa salapi ay alternatibo sa pananampalataya sa future grace ng Diyos. Ito ay pananampalataya sa resources ng tao sa panghinaharap — bagay na iyong makukuha gamit ang salapi. Kaya naman ang pag-ibig sa salapi o pagtitiwala rito ay nakapaloob sa di-paniniwala sa mga pangako ng Diyos. Sinabi ni Jesus sa Mateo 6:24, “Walang aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon. . . . Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.”
Hindi ka puwedeng sabay na magtiwala sa Diyos at sa salapi. Ang paniniwala sa isa ay hindi paniniwala sa kabila. Ang pusong umiibig sa salapi — ang umaasa sa salapi para sa kaligayahan — ay hindi umaasa sa kung sino ang Diyos para sa atin kay Jesus bilang kasiyahan ng ating mga kaluluwa.