“Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato.
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”
Juan 18:37
Ang Juan 18:37 ay isang magandang talatang pampasko kahit na ito’y nagmula sa pinakadulo ng buhay ni Jesus sa daigdig, hindi sa simula nito.
Pansinin na sinabi ni Jesus na hindi lamang Siya ipinanganak, kundi “naparito sa sanlibutan.” Unique ang Kanyang kapanganakan dahil hindi Siya nagmula rito. Naroon na Siya bago pa Siya ipinanganak sa sabsaban. Ang pagkatao, ang katauhan, ang personalidad ni Jesus ng Nazareth ay naroon na bago pa ipinanganak ang taong Jesus ng Nazareth.
Ang teolohikal na salita upang ilarawan ang misteryong ito ay hindi paglikha (creation) kundi pagkakatawang-tao (incarnation). Ang Kanyang kapanganakan ay hindi pagkakaroon ng bagong tao, kundi pagdating sa daigdig ng isang walang-hanggang tao. Sabi sa Micah 5:2 (ABTAG2001), pitong daang taon bago ipanganak si Jesus:
Ngunit ikaw, Bethlehem sa Efrata,
na maliit upang mapabilang sa mga angkan ng Juda,
mula sa iyo ay lalabas para sa akin
ang isa na magiging pinuno sa Israel;
na ang pinagmulan ay mula nang una,
mula nang walang hanggan.
Ang misteryo ng kapanganakan ni Jesus ay hindi lamang na Siya’y ipinanganak ng isang birhen. Ang himalang ito ay nilayon ng Diyos na maging saksi sa isang mas malaking himala, na ang sanggol na ipinanganak nang Pasko ay isang taong naroon na “mula nang una, mula nang walang hanggan.”
Kung gayon, may layunin ang Kanyang kapanganakan. Bago pa Siya ipinanganak, inisip na Niya ang pagpapanganak sa Kanya. Mayroon Siyang plano kasama ang Kanyang Ama. At bahagi ng magandang planong ito ay Kanyang binanggit sa mga huling oras ng Kanyang buhay: “Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan” (Juan 18:37).
Siya ang walang-hanggang katotohanan. Katotohanan lamang ang Kanyang binibigkas. Ang Kanyang ginawa ay bunga ng pinakamatinding uri ng pag-ibig. At tinitipon Niya sa Kanyang eternal na pamilya ang lahat ng pinanganak sa katotohanan. Ito ang Kanyang plano mula nang walang hanggan.