Listen

Description

Ako nama’y lalakad sa kalayaan, yamang ako sa utos mo’y sumusunod namang kusa. (Mga Awit 119:45, sariling salin)

Isang mahalagang bahagi ng kagalakan ay ang kalayaan. Walang sinuman sa atin ang magiging masaya kung hindi tayo malaya mula sa ating kinaaayawan at malaya para sa ating minamahal.

At saan natin mahahanap ang tunay na kalayaan? Sabi sa Mga Awit 119:45, “Ako nama’y lalakad sa kalayaan, yamang ako sa utos mo’y sumusunod namang kusa.”

Ang larawang ito ay isang maluwag na espasyo. Pinalalaya tayo ng salitang ito mula sa kaliitan ng isipan. “Binigyan ng Diyos si Solomon ng . . . kalawakan ng pag-iisip, gaya ng buhanging nasa tabing-dagat” (1 Mga Hari 4:29, ABTAG2001). Pinalalaya tayo ng salitang ito mula sa nagbabantang pagkabilanggo. “Inilabas niya ako sa maluwag na dako” (Mga Awit 18:19, ABTAG2001).

Sabi ni Jesus, “Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32). Ang kalayaang nasa isipan Niya ay kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan (Juan 8:34). O, kung titingnan ito sa positibong paraan, ito’y kalayaan para sa kabanalan.

Ang mga pangako ng biyaya ng Diyos ay nagbibigay ng kapangyarihan na gawing karanasan ng kalayaan ang hinihingi ng kabanalan ng Diyos, sa halip na takot at pagkabilanggo. Ganito inilarawan ni Pedro ang nagpapalayang kapangyarihan ng mga pangako ng Diyos: “Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas kayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos” (2 Pedro 1:4).

Sa madaling salita, kapag nagtitiwala tayo sa mga pangako ng Diyos, pinuputol natin ang ugat ng katiwalian at makasalanang hangarin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mas dakilang pangako.

Napakahalaga ng salitang sumisira sa kapangyarihan ng huwad na kasiyahan! At dapat tayong maging maingat na ilawan ang ating mga landas at kargahan ang ating mga puso ng Salita ng Diyos!

“Salita mo’y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw” (Mga Awit 119:105). “Ang banal mong kautusa’y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman” (Mga Awit 119:11).