Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa. (2 Cronica 12:8)
Ibang-iba ang paglilingkod sa Diyos kumpara sa paglilingkod sa ibang tao.
Talagang nais ng Diyos na maunawaan at ma-enjoy natin ito. Halimbawa, utos niya, “Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon” (Awit 100:2, ASND). May dahilan para sa kagalakang ito. Sabi sa Mga Gawa 17:25, “Hindi rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan.”
Pinaglilingkuran natin Siya nang may kagalakan dahil hindi natin pasanin ang pagtugon sa Kanyang mga pangangailangan. Wala kailangan ang Diyos. Ibig sabihin, hindi natin matutugunan ang Kanyang pangangailangan sa pamamagitan ng paglililingkod sa Kanya. Sa halip ay nagdiriwang tayo sa paglilingkod dahil tinutugunan Niya ang ating mga pangangailangan. Ang paglilingkod sa Diyos ay pagtanggap ng biyaya mula sa Kanya para magawa natin ang kailangan nating gawin.
Upang ipakita kung paano nagseselos ang Diyos para sa atin at makita ang kaluwalhatian nito, mayroong kuwento sa 2 Cronica 12. Pinili ni Rehoboam, ang anak ni Solomon na naghari sa southern kingdom matapos ang pag-aalsa ng sampung lipi, na huwag paglingkuran ang Panginoon. Sa halip ay pinaglingkuran niya ang ibang diyos-diyosan at mga kaharian.
Bilang parusa, pinadala ng Diyos si Shishak, ang hari ng Ehipto, laban kay Rehoboam, dala ang 1,200 karwahe at 60,000 mangangabayo (2 Cronica 12:2–3).
Sa Kanyang habag, pinadala ng Diyos ang propetang Shemaiah kay Rehoboam dala ang mensaheng ito: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak’” (2 Cronica 12:5). Ang magandang resulta ng mensaheng ito ay nagpakumbaba sina Rehoboam at ang kanyang mga prinsipe, humingi ng tawad, at sinabing, “Makatarungan si Yahweh” (2 Cronica 12:6).
Nang nakita ng Panginoon na nagpakumbaba sila, sinabi Niya, “Nagpakumbaba na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak” (2 Cronica 12:7). Ngunit bilang disiplina, sinabi Niya, “Gayunman, sila’y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa” (2 Cronica 12:8).
Malinaw ang punto rito: Magkaiba ang paglilingkod sa kaaway at sa Diyos. Paano? Ang paglilingkod sa Diyos ay pagtanggap at biyaya at kaligayahan at benepisyo. Ang paglilingkod kay Shishak ay nakakapagod at nakakaubos at malungkot. Nagbibigay ang Diyos. Kumukuha si Shishak.
Kaya naman mariin kong sinasabi na ang pagsamba tuwing Linggo ng umaga at ang pagsamba sa pamamagitan ng araw-araw na pagsunod ay hindi isang mabigat na pagbibigay sa Diyos, kundi maligayang pagtanggap mula sa Kanya. Ito ang totoong paglilingkod na hinihingi ng Diyos. Sa lahat ng iyong gagawin, magtiwala ka sa Akin bilang tagapagbigay.