Kaya’t naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.
1 Juan 3:8
Ang pagawaan ni Satanas ay naglalabas ng milyon-milyong kasalanan bawat araw. Binabalot niya ang mga ito sa malalaking eroplano at pinapadala sa langit at inilalatag sa harap ng Diyos at siya’y tumatawa nang tumatawa nang tumatawa.
Ang ibang tao ay full-time na nagtatrabaho sa pagawaan ni Satanas. Ang iba’y umalis na rito pero bumabalik pa rin paminsan-minsan.
Sa bawat minuto sa pagawaang ito, nagiging katatawanan ang Diyos sa harapan ni Satanas. Negosyo ni Satanas ang kasalanan dahil galit siya sa liwanag at kagandahan at kadalisayan at kaluwalhatian ng Diyos. Wala nang mas makapagpapasaya sa kanya kaysa sa mga nilikhang di nagtitiwala at di sumusunod sa kanilang Tagapaglikha.
Kung gayon, mabuting balita ang Pasko para sa mga tao at sa Diyos.
“Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan” (1 Timoteo 1:15). Mabuting balita ito para sa atin.
“Kaya’t naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo” (1 Juan 3:8). Ito’y mabuting balita rin para sa Diyos.
Mabuting balita ang Pasko para sa Diyos dahil dumating si Jesus upang pangunahan ang pagsalakay sa pagawaan ng kasalanan ni Satanas. Sumugod Siya sa loob ng pagawaan, nanawagan ng pagkakaisa ng mga tapat, at nagsimula ng malawakang pag-aalsa.
Ang Pasko ay panawagang mag-alsa sa pagawaan ng kasalanan. Walang negosasyon sa kinauukulan. Walang bargaining. Ang mayroon lang ay iisa at di-mababagong pagtutol sa produkto ng pagawaan. Hindi na tayo magiging bahagi sa paggawa nito.
Layunin ng pagkakaisa sa Pasko na panatilihin sa paliparan ang mga eroplano ni Satanas. Hindi ito gagamit ng puwersa o dahas. Gamit ang walang-tigil na debosyon sa katotohanan, ipapakita nito ang mapanira sa buhay na industriya ng Diyablo.
Hindi susuko ang pagkakaisa sa Pasko hanggang magsara nang tuluyan ang pagawaan.
Kapag nawasak na ang kasalanan, tuluyan nang mapapalaya ang pangalan ng Diyos. Wala nang tatawa rito.
Kung nais mong magbigay ng regalo sa Diyos ngayong Pasko, umalis ka sa pagawaan ng kasalanan at huwag kang lilingon pabalik dito. Pumuwesto ka sa pilahan ng pag-ibig. Sumali sa pagkakaisa ng Pasko hanggang ang banal na ngalan ng Diyos ay mapalaya, at Siya’y matagumpay na tumayo sa gitna ng mga papuri ng mga makatwiran.