Day 12
Ito ang ibig naming sabihin: mayroon tayong ganyang Pinakapunong Pari, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. Siya’y naglilingkod doon sa Dakong Banal, sa tunay na toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao.
Hebreo 8:1–2
Ito ang punto ng Hebreo: Pumarito si Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos, hindi lamang upang makibagay sa makamundong sistema ng pagpapari, bilang pinakamahusay at huling taong pari. Dumating din Siya upang tuparin at tapusin ang sistemang ito at ituon ang lahat ng atensyon sa Kanya, upang paglingkuran tayo — una, sa Kalbaryo, bilang ang panghuling sakripisyo, at pagkatapos ay sa langit, bilang ating panghuling pari.
Ang tabernakulo, mga pari, at sakripisyo ng Lumang Tipan ay pawang mga anino lamang. Ngayon ay dumating na ang tunay, at ang mga anino’y nawala na.
Ito ay isang ilustrasyon ng Advent para sa mga bata — at para sa atin na dati’y mga bata at naaalala kung paano maging ganito. Kunwari’y nagkahiwalay ka ng iyong ina sa grocery store, at nagsimula kang makaramdam ng takot at pangamba at hindi mo alam saan ka pupunta, at tumakbo ka sa dulo ng aisle, at bago ka maiyak, nakita mo ang isang anino sa sahig sa dulo ng aisle na tulad ng iyong ina. Nakaramdam ka ng pag-asa dahil dito. Pero ano ang mas mainam? Ang pag-asa nang makita mo ang anino, o ang makita mo mismo ang iyong ina?
Ganito ang pakiramdam nang dumating si Jesus upang maging ating punong pari. Ito ang Pasko. Ang Pasko ay ang pagpapalit ng tunay sa mga anino: ang pagpapakita ng iyong ina sa dulo ng aisle at ang ginhawa at ligayang binibigay nito sa isang maliit na bata.
(Para sa dagdag na kaalaman kung paano pinalitan ng pagdating ni Cristo ang Lumang Tipan, tingnan ang appendix sa dulo ng aklat na ito.)