Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila’y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila’y inalipin ng takot sa kamatayan.
Hebreo 2:14–15
Naging tao si Jesus dahil kailangan ng kamatayan ng isang taong higit pa sa tao. Ang pagkakatawang-tao Niya ay ang pagkukulong ng Diyos sa Kanyang sarili sa death row.
Hindi nakipagsapalaran sa kamatayan si Jesus. Pinili Niya ito. Niyakap. Ito ang dahilan kung bakit Siya dumating: “Hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami” (Marcos 10:45).
Kaya naman pala sinubukan ni Satanas na ilayo si Jesus sa krus — sa ilang (Mateo 4:1–11) at sa bibig ni Pedro (Mateo 16:21–23)! Ang krus ang pagkawasak ni Satanas. Paano siya winasak ni Jesus?
Sinasabi sa Hebreo 2:14 na si Satanas ay “may kapangyarihan sa kamatayan.” Ibig sabihin, may kakayahan si Satanas na gawing nakakatakot ang kamatayan. “Kapangyarihan sa kamatayan” ang kapangyarihan na umaalipin sa tao sa pamamagitan ng takot sa kamatayan. Ito ang kapangyarihang ikulong ang tao sa kasalanan upang maging nakakakilabot ang kamatayan.
Ngunit tinanggalan ni Jesus ng kapangyarihang ito ni Satanas. Tinanggalan Niya ito ng sandata. Humubog Siya ng baluti ng katuwiran para sa atin upang hindi tayo tablan ng paninisi ng Diyablo. Paano Niya ginawa ito?
Sa Kanyang kamatayan, binura ni Jesus ang lahat ng ating mga kasalanan. At ang isang taong walang kasalanan ay hindi maaaaring hatulan ni Satanas. Dahil tayo’y napatawad na, hindi tayo mawawasak. Ang plano ni Satanas ay wasakin ang kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng paninisi sa mga tagasunod Niya sa korte mismo ng Diyos. Ngunit ngayon, kay Cristo, wala nang kahatulang pagsumpa. Naudlot ang pagtataksil ni Satanas. Ang kanyang planong pandaraya ay napigilan. “Magpapatuloy ang kanyang galit, dahil, aba, sigurado na ang kanyang kapalaran.”[1] Sinaksak na siya ng krus. At di magtatagal ay malalagutan na siya ng hininga.
Si Cristo ay para sa kalayaan — kalayaan mula sa takot sa kamatayan.
Nagkatawang-tao si Jesus sa Bethlehem upang mamatay sa nakalaang kamatayan para sa atin sa Jerusalem — upang tayo’y mawalan ng takot kung saan tayo ngayon. Oo, walang takot, dahil kung ang pinakamalaking banta sa ating kagalakan ay wala na, bakit pa tayo matatakot sa mas maliliit na banta? Paano natin masasabi nang totoo, “Hindi ako takot mamatay pero takot akong mawalan ng trabaho”? Hindi. Hindi. Mag-isip kayo!
Kung ang kamatayan (sinasabi ko, kamatayan! — walang pulso, malamig, wala na!) ay hindi na kinatatakutan, tayo’y malaya na talaga. Malaya na tayong makipagsapalaran para kay Cristo at para sa pag-ibig. Hindi na tayo magiging alipin sa takot.
Kung pinalaya ka na ng Anak, ika’y tunay na ngang malaya!
[1] Martin Luther, “A Mighty Fortress Is Our God,” 1527–1529.