Day 3
Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan. Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa angkan ni David na kanyang lingkod. Ito’y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta, na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway, mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
Lucas1:68–71
Pansinin ang dalawang kamangha-manghang bagay mula sa mga salita ni Zechariah, ang asawa ni Elizabeth, sa Lucas 1:68–71.
Una, siyam na buwan ang nakararaan, hindi naniwala si Zechariah na magkakaroon ng anak ang kanyang asawa. Ngayon, puspos ng Espiritu Santo, siya’y lubos na naniwala sa redeeming work ng Diyos sa paparating na Mesias, kaya sinabi niya ito na tila nangyari na: “Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.” Para sa isip ng pananampalataya, ang isang pangakong gagawin ng Diyos ay maituturing na naganap na. Natutunan ni Zechariah na panghawakan ang sinasabi ng Diyos at dahil dito’y nagkaroon siya ng kakaibang kasiguraduhan: “Tumulong at nagpalaya ang Diyos!” (Lucas 1:68).
Ikalawa, ang pagdating ni Jesus, ang Mesias, ay pagbisita ng Diyos sa ating daigdig: Ang Diyos ng Israel ay bumisita at nagligtas. Ilang siglong nanamlay ang mga Judio sa paniniwalang iniwan na sila ng Diyos: Tumigil na ang espiritu ng propesiya, at nahulog ang Israel sa mga kamay ng Roma. At lahat ng makadiyos sa Israel ay naghihintay ng pagbisita ng Diyos. Ayon kay Lucas, may isang matandang lalaki, ang debotong si Simeon, na “naghihintay sa katubusan ng Israel” (Lucas 2:25). Gayon din, ang mapanalangin na si Anna ay “naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem” (Lucas 2:38).
Ito ang mga araw ng matinding pag-asa. Ngayon, ang pinakahihintay na pagbisita ng Diyos ay magaganap na — tunay nga, Siya’y paparating sa isang paraang hindi inaasahan ninuman.