Listen

Description

Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong tipan sa Israel at sa Juda.

Jeremias 31:31

Ang Diyos ay makatarungan at banal at hiwalay sa mga makasalanang tulad natin. Ito ang ating pangunahing problema sa Pasko — at iba pang panahon. Paano tayo magiging tama sa harap ng isang matuwid at banal na Diyos?

Gayon pa man, ang Diyos ay mahabagin at nangako sa Jeremias 31 (limang daang taon bago kay Cristo) na balang-araw ay may gagawin Siyang bago. Papalitan Niya ang mga anino ng realidad ng Mesias. At makapangyarihan Siyang papasok sa ating mga buhay at isusulat ang Kanyang kalooban sa ating mga puso upang hindi tayo mapigilan sa labas ngunit pumayag mula sa kaibuturan natin na mahalin Siya’t pagkatiwalaan at sundin.

Ito ang pinakadakilang kaligtasang maaari nating maisip — kung ibibigay sa atin ng Diyos ang pinakamagandang katotohanan ng buong sansinukob upang ating ma-enjoy at pagkatapos ay pumasok sa atin upang malaman natin ang realidad sa paraang mae-enjoy natin ito nang buong kalayaan at kagiliwan. Isa itong regalong pampasko na dapat inaawitan natin.

Ito ang Kanyang pinangako sa new covenant. Ngunit may malaking balakid. Ang ating kasalanan. Ang ating pagkakahiwalay sa Diyos dahil sa ating hindi pagiging matuwid.

Paano pinapakitaan ng isang banal at makatarungang Diyos ang mga makasalanang tulad natin ng sobrang kabutihan, na binigay sa atin ang pinakadakilang katotohanan sa sanlibutan (ang Kanyang Anak), upang ating i-enjoy nang buong kagalakan?

Ang sagot ay ito: Nilagay ng Diyos ang ating mga kasalanan sa Kanyang Anak, at hinusgahan ang mga ito roon, upang matanggal ito sa Kanyang isipan at pakitunguhan tayo nang may habag habang Siya’y nananatili pa ring makatarungan at banal. Sabi sa Hebreo 9:28, si Cristo ay “minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao.”

Pinasan ni Cristo ang ating mga kasalanan nang Siya’y namatay (1 Pedro 2:24). Siya ang umako ng ating hatol (Roma 8:3). Tinanggal Niya ang kahatulang parusa para sa atin (Roma 8:1). Ibig sabihin, ang ating mga kasalan ay wala na. Hindi sila nananatili sa isipan ng Diyos bilang batayan ng ating hatol. Kung baga, “kinalimutan” na Niya iyon (tingnan ang Jeremias 31:34). Kinuha na sila ng kamatayan ni Cristo.

Ibig sabihin, malaya na ang Diyos, sa Kanyang katarungan, na paulanan tayo ng di-mailalarawang pangako ng new covenant. Binigay Niya sa atin si Cristo, ang pinakadakilang realidad sa buong sansinukob, para sa ating enjoyment. At sinulat Niya ang sariling kalooban — ang sariling puso — sa ating mga puso upang ibigin natin si Cristo at pagkatiwalaan si Cristo at sumunod kay Cristo mula sa ating mga puso, na may kalayaan at kaligayahan.