Listen

Description

Day 8

Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya’t naparito kami upang siya’y sambahin.

Mateo 2:2

Paulit-ulit na kinikiliti ng Biblia ang ating isipan kung gaano katiyak ang mga pangyayari noon. Paano nadala ng “bituing” ito ang mga mago mula sa silangan patungong Jerusalem?

Hindi sinabi ng Biblia na dinala ng bituin ang mga mago o nanguna ito sa kanila papunta sa Jerusalem. Sinabi lang na may nakita silang bituin sa silangan (Mateo 2:2) at pumunta sila sa Jerusalem. At paano nanguna sa kanila ang bituin sa limang-milyang paglalakbay nila mula Jerusalem patungong Bethlehem, gaya ng sinasabi sa Mateo 2:9? At paano ito tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol?

Ang sagot? Hindi natin alam. Napakaraming pagsisikap upang maipaliwanag ito batay sa mga planeta o kometa o supernovas o mahimalang ilaw. Hindi lang talaga natin alam. At gusto ko kayong payuhang huwag maging abala sa mga teorya na tentatibo lamang at walang masyadong espiritwal na halaga.

Nakikipagsapalaran akong magbigay ng generalization upang balaan kayo: Ang mga taong abala sa mga ganitong bagay — kung paano naging gabay ang bituin at paano nahati ang Red Sea at paano dumating ang manna at paano nabuhay si Jonah sa loob ng isda at paano nagkukulay-dugo ang buwan — ay madalas mga taong tinatawag kong may mentalidad para sa marginal.

Hindi mo nakikita sa kanila ang malalim na pag-ibig sa mga sentral na bagay ng ebanghelyo: ang kabanalan ng Diyos, ang kapangitan ng kasalanan, ang kawalan ng kakayahan ng tao, ang kamatayan ni Cristo, ang pagbibigay-katwiran sa pamamagitan lamang ng pananampalataya, ang pagpapawalang-sala ng Espiritu, ang kaluwalhatian ng pagbabalik ni Cristo, at ang panghuling paghuhukom. Tila lagi ka nilang nililihis sa daan gamit ang isang bagong artikulo o libro na exciting para sa kanila, na tumatalakay sa isang bagay na marginal. Kaunti lamang ang pagdiriwang sa malalaking sentral na katotohanan.

Ngunit malinaw na makikita sa usapin ng bituin na ginagawa nito ang isang bagay na hindi nito kayang gawin mag-isa: Ginagabayan nito ang mga mago patungo sa Anak ng Diyos upang sambahin Siya.

Sa biblikal na kaisipan, iisa lamang ang nasa likod ng ginagawa ng mga bituin: ang Diyos mismo.

Hayaang maging malinaw ang aral: Ginagabayan ng Diyos ang mga dayuhan kay Cristo upang Siya’y sambahin. At ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng paggamit ng pandaigdigan — malamang ay universal — na impluwensiya at kapangyarihan.

Pinapakita ni Lucas ang pag-impluwensiya ng Diyos sa Roman Empire upang magkaroon ng census sa eksaktong panahon para dalhin ang isang mahalagang birhen sa Bethlehem upang matupad ang propesiya sa kanyang panganganak. Pinakita ni Mateo ang pag-impluwensiya ng Diyos sa mga bituin sa langit para dalhin ang iilang dayuhan sa Bethlehem upang sambahin nila ang Anak.

Ito ang disenyo ng Diyos. Ginawa Niya ito noon. Ginagawa pa rin Niya ito ngayon. Layunin Niyang sambahin ng mga bansa — lahat ng mga bansa (Mateo 24:14) — ang Kanyang Anak.

Ito ang kalooban ng Diyos para sa lahat ng tao sa iyong opisina at sa iyong classroom at sa iyong kapitbahayan at sa iyong tahanan. Sabi sa Juan 4:23, “Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama.”

Sa simula ng Mateo, mayroon tayong “Halina’t silipin” na pattern. Ngunit sa pagtatapos ay naging “ipahayag sa iba” ang pattern na ito. Pumunta ang mga mago at nakita ito. Tayo’y dapat humayo at magpahayag.

Ngunit hindi nagkakaiba ang layunin at kapangyarihan ng Diyos sa pagtitipon ng mga bansa upang sambahin ang Kanyang Anak. Ang pagma-magnify ng naglalagablab na pagsamba kay Cristo sa mga bansa ang dahilan kung bakit mayroong daigdig.