Listen

Description

Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama. (Hebrews 5:14)

Kamangha-mangha ito. Wag mo itong palampasin. Maliligtas ka nito sa maraming taon ng sayang na pamumuhay.

Ito ang sinasabi ng talatang ito: Kung nais mong maging mature at maunawaan at pahalagahan ang mas solid na turo ng Salita, kailangan ma-transform ng mayaman, masustansya, at mahalagang gatas ng mga pangako ng ebanghelyo ng Diyos ang iyong moral na pandama — ang inyong espirituwal na kaisipan — upang mabatid mo kung ano ang mabuti at masama.

Tingnan ito sa ibang paraan: Hindi isang intellectual na hamon ang paghahandang magpakabusog sa Salita ng Diyos; isa muna itong hamon sa moralidad. Kung nais mong kainin ang solid food ng Salita ng Diyos, kailangan mong gamitin ang iyong espirituwal na pandama upang magkaroon ng kaisipang nakababatid ng mabuti at masama. Ito ay isang hamon sa moralidad, hindi lamang sa intellect.

Ang nakakagulat na katotohanan ay ito: Kung natitisod ka sa pag-unawa kay Melchizedek sa Genesis at Hebreo, maaaring ito’y dahil nanonood ka ng mga questionable na programa sa TV. Kung natitisod ka sa doktrina ng election, maaaring ito’y dahil gumagawa ka pa rin ng mga kahina-hinalang gawain. Kung nadadapa ka sa gawain ni Cristo sa krus na nakasentro sa Diyos, maaaring ito’y dahil mahal mo ang pera at mahilig kang gumastos at kakaunti lamang ang ibinibigay mo sa iba.

Hindi ang pagiging matalino ang daan tungo sa maturity at matatag na biblical food kundi ang pagiging masunurin. Mas may kinalaman ang ginagawa mo sa alak at sex at pera at paglilibang at pagkain at computer, at ang paraan ng pakikitungo mo sa ibang tao, sa iyong kakayahan para sa solid food kaysa sa iyong paaralan o kung anong mga aklat ang binabasa mo.

Napakahalaga nito dahil sa ating hi-tech na lipunan, madali nating isipin na ang edukasyon — lalo na ang intellectual na edukasyon — ay ang susi sa maturity. Maraming Ph.D.’s ang nabibilaukan sa kanilang spiritual immaturity sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos. At maraming di-gaanong edukadong santo ang lubhang mature at kayang namnamin nang may kasiyahan at pakinabang ang pinakamalalim na mga bagay sa Salita ng Diyos.