Kausapin ang Iyong mga Luha
“Silang tumatangis habang nagsisipagtanim, hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan. Silang mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis, ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!” (Mga Awit 126:5-6)
Walang malungkot sa paghahasik ng binhi. Hindi ito mas matrabaho kaysa sa pag-aani. Ang mga araw ay maaaring maging maganda. Puwedeng magkaroon ng matinding pag-asa ng ani.
Subalit binabanggit ng awit ang nagsisipagtanim na “tumatangis.” Sinasabi nito na may isang taong humayong dala’y binhi’t nananangis. Kaya, bakit sila umiiyak?
Sa tingin ko, ang dahilan ay hindi dahil malungkot ang paghahasik ng binhi, o dahil ito’y mahirap. Sa tingin ko, walang kinalaman ang dahilan sa paghahasik ng binhi. Ang paghahasik ay simpleng gawain na kailangang gawin, kahit may mga bagay sa buhay na nagpapaiyak sa atin.
Hindi maghihintay ang mga pananim habang tinatapos natin ang ating dalamhati o nilulutas ang lahat ng ating mga problema. Kung gusto nating kumain sa susunod na taglamig, kailangan nating lumabas sa bukid at maghasik ng binhi, umiiyak man tayo o hindi.
Kung gagawin mo iyan, ang pangako ng awit ay “[mag-aani] na puspos ng kagalakan.” Ikaw ay “aawit na may galak, dala’y ani pagbalik.” Hindi dahil ang mga luha ng paghahasik ay nagbubunga ng kagalakan ng pag-aani, kundi dahil ang paghahasik mismo’y nagbubunga ng pag-aani, at kailangan mong tandaan ito kahit na himihimok ka ng iyong mga luha na sumuko sa paghahasik.
Kaya, heto ang aral: Kapag may mga simple at payak na trabahong dapat gawin, at puno ka ng kalungkutan, at madali ang pag-agos ng luha, sige lang at gawin mo ang trabaho nang may luha. Magpakatotoo ka. Sabihin mo sa iyong mga luha, “Mga luha, nararamdaman kita. Gusto kong sumuko sa buhay ko dahil sa ’yo. Pero may bukid na kailangan taniman (pinggan na kailangan hugasan, kotseng kailangan ayusin, sermon na kailangan isulat).’
Pagkatapos, sabihin mo, batay sa salita ng Diyos, “Mga luha, alam ko na hindi kayo mananatili habambuhay. Ang mismong paggawa ko lang ng aking trabaho (kahit puno ako ng luha) ay magdadala ng ani ng pagpapala sa huli. Kaya, sige at dumaloy kayo kung kailangan. Pero naniniwala ako — bagama’t hindi ko pa ito nakikita o lubos na nadarama — naniniwala ako na ang simpleng gawain ng aking paghahasik ay magdudulot ng pag-aani. At ang mga luha ko’y may galak na ibabalik.”
Devotional excerpted from “Talking to Your Tears”
This article was translated by Joshene Bersales and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/talk-to-your-tears
Joshene Bersales considers Joshua her Bible hero, and strives to have faith that can make the sun stand still. She graduated with an AB Literature (English) degree from Ateneo de Manila University. She is a writer, editor, and translator. Joshene loves theater, traveling, and tea. You can find her on IG (@joshenebersales) and Facebook (https://www.facebook.com/joshenebersales/).
John Piper (@JohnPiper) is founder and teacher of desiringGod.org and chancellor of Bethlehem College & Seminary. For 33 years, he served as pastor of Bethlehem Baptist Church, Minneapolis, Minnesota. He is author of more than 50 books, including Desiring God: Meditations of a Christian Hedonist and most recently Providence.