Listen

Description

Takot Lumihis Mula sa Kanya

O napakasagana ng kabutihan mo, na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo, at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo, sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli! (Mga Awit 31:19, ABTAG2001)

Pag-isipan ang dalawang mahalagang katotohanan sa Mga Awit 31:19. 

 

1. Ang kabutihan ng Panginoon 

 

May natatanging kabutihan ng Diyos. Ibig sabihin, hindi lang ang pangkalahatang kabutihan ng Diyos na ipinapakita Niya sa lahat ng tao ang meron, na pinapasikat ang Kanyang araw sa masasama at mabubuti (Mateo 5:45), kundi isang natatanging kabutihan din, gaya ng sinasabi ng awit, para sa “mga natatakot” sa Kanya. 

 

Di masusukat ang kabutihang ito. Ito ay walang hangganan. Ito ay tumatagal magpakailanman. Ito ay sumasaklaw sa lahat. May kabutihan lang para sa mga natatakot sa Kanya. Sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos ng mabuti para sa kanila (Roma 8:28). Maging ang kanilang mga pighati ay puno ng pakinabang ayon sa Roma 5:3–5. 

 

Ngunit ang mga hindi natatakot sa Kanya ay tumatanggap ng pansamantalang kabutihan. Ganito ang paglalarawan sa Roma 2:4–5: “O hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya’y napakabait, matiisin, at mapagpasensya? Hindi mo ba alam na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo upang magsisi at tumalikod sa kasalanan? Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos.” Kabaitan. Pagtitiis. Pagpapasensya. Kabutihan. Pero hindi ito tumutugon sa takot sa Panginoon, kundi katigasan. 

 

’Yan ang unang katotohanan: ang kabutihan ng Panginoon. 

 

2. Ang takot sa Panginoon 

 

Ang takot sa Panginoon ay takot na lumihis mula sa Kanya. Kaya ipinapahayag nito ang sarili sa panganganlong sa Diyos. Kaya naman dalawang kondisyon ang binanggit sa Mga Awit 31:19 — ang takot sa Panginoon at panganganlong sa Kanya. “O napakasagana ng kabutihan mo, na 1) iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo, at 2) ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo!” 

 

Parang magkasalungat sila. Ang takot ay tila nagtataboy at panganganlong ay nag-aanyaya. Pero kapag nakita natin itong takot na ito bilang takot na tumakbo palayo – takot na lumihis mula sa Kanya – nagtutulungan sila. 

 

May tunay na takot sa puso ng mga banal. “Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos” (Filipos 2:12). Ngunit ito ang takot na nararamdaman ng isang tao sa mga bisig ng isang Ama na katatapos lang ahunin ang Kanyang anak mula sa ilalim ng karagatan. Ito ay ang takot sa kakila-kilabot na posibilidad ng pag-iisip na hindi natin kailangan ng isang Ama. 

 

Kaya, pahalagahan ang kabutihan ng Panginoon. Matakot lumihis mula sa Kanya. Tumakas mula sa bawat kasalanan at manganlong sa Kanya. “O napakasagana ng kabutihan mo, na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo, at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo!”

Devotional excerpted from “The Goodness of God and the Fear of God”

This article was translated by Joshene Bersales and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/afraid-to-stray 

Joshene Bersales considers Joshua her Bible hero, and strives to have faith that can make the sun stand still. She graduated with an AB Literature (English) degree from Ateneo de Manila University. She is a writer, editor, and translator. Joshene loves theater, traveling, and tea. You can find her on IG (@joshenebersales) and Facebook (https://www.facebook.com/joshenebersales/).

John Piper (@JohnPiper) is founder and teacher of desiringGod.org and chancellor of Bethlehem College & Seminary. For 33 years, he served as pastor of Bethlehem Baptist Church, Minneapolis, Minnesota. He is author of more than 50 books, including Desiring God: Meditations of a Christian Hedonist and most recently Providence.