Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. (Roma 13:12, ABTAG2001)
Ito ay salita ng pag-asa para sa mga nagdurusang Kristiyano. Ito ay salita ng pag-asa para sa mga Kristiyanong napopoot sa kanilang sariling kasalanan at hinahangad na hindi na sila magkasala. Ito ay salita ng pag-asa sa mga Kristiyanong umaasa sa pagkatalo at pagtapon sa lawa ng apoy sa huling kaaway, si Kamatayan (Revelation 20:14).
Paano ito naging salita ng pag-asa para sa lahat ng ito?
Ang “gabi” ay kumakatawan sa panahong ito ng kadiliman at lahat ng kasalanan at kalungkutan at kamatayan nito. At ano ang sinasabi ni Pablo tungkol dito? “Malalim na ang gabi.” Ang panahon ng kasalanan at kalungkutan at kamatayan ay halos tapos na. Ang araw ng katuwiran at kapayapaan at lubos na kagalakan ay malapit na.
Puwede mong sabihin, “Parang napakatagal na bukang-liwayway ang 2,000 taon.” Sa isang banda, oo. At umiiyak tayo, Gaano katagal, O Panginoon, gaano katagal Ninyo hahayaang magpatuloy ito? Pero ang biblikal na paraan ng pag-iisip ay lampas sa panaghoy ng “Gaano katagal!” Iba ang pagtingin nito sa kasaysayan ng mundo.
Ang mahalagang pagkakaiba ay ito: ang “araw” — ang bagong panahon ng Messiah — ay talagang nagsimula kay Jesu-Cristo. Si Jesus ang katapusan ng lugmok na panahong ito. Ibig sabihin, ang pagtatapos ng lugmok na panahong ito ay nagsimula na sa mundo. Tinalo ni Jesus ang kasalanan at sakit at kamatayan at si Satanas nang namatay Siya at nabuhay muli. Tapos na ang mahalagang digmaan ng panahon. Dumating na ang kaharian. Dumating na ang buhay na walang hanggan.
At kapag nagbukang-liwayway na — tulad ng nangyari sa pagdating ni Jesus — walang sinumang dapat mag-alinlangan sa papalapit na araw. Kahit na tumagal ng 2,000 taon ang bukang-liwayway. Tulad ng sabi ni Pedro sa 2 Pedro 3:8, “Subalit huwag ninyong kaliligtaan ang katotohanang ito, mga minamahal, ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw.” Dumating na ang bukang-liwayway. Dumating na ang araw. Walang makapipigil sa pagsikat ng araw sa bagong umaga.