Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo. (James 4:7)
Dahil mas kitang-kita si Satanas sa panahon natin ngayon — malinaw na mas aktibo siya — mas mahalaga ang tagumpay ni Cristo sa mga nagtitiwala sa Kanya.
Itinuturo sa New Testament na nang mamatay si Cristo at nabuhay muli, tiyak nang natalo si Satanas. Binigyan siya ng panahon para sa limitadong kalayaan, pero nasira na ang kanyang kapangyarihan laban sa mga anak ng Diyos at tiyak na ang kanyang pagkawasak.
- “Kaya’t naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.” (1 Juan 3:8)
- “Ginawa [ito ni Cristo] upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan.” (Hebreo 2:14)
- “Nilupig [ng Diyos] ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito’y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay.” (Colosas 2:15)
Sa madaling salita, ang tiyak na pagkatalo ay nangyari sa Calvary. At isang araw, kapag tapos na ang limitadong kalayaan ni Satanas, sabi sa Revelation 20:10, “Ang Diyablo . . . ay itinapon sa lawa ng apoy at . . . pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman.”
Ano’ng ibig sabihin nito para sa atin na sumusunod kay Jesu-Cristo?
- “Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus.” (Roma 8:1)
- “Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila?” (Roma 8:33)
- “Kahit . . . ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap,ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 8:38–39)
- “Ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan.” (1 Juan 4:4)
- “Nagtagumpay ang mga [santo] laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo sa salita ng Diyos.” (Revelation 12:11)
Kaya, “Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo!” Natalo na siya, at binigyan na tayo ng tagumpay. Tungkulin natin ngayon na ipamuhay ang tagumpay na iyan at ipaalam kay Satanas ang kanyang pagkatalo.