Listen

Description

Day 11

Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila’y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila’y inalipin ng takot sa kamatayan.

Hebreo 2:14–15

Hebreo 2:14–15 yata ang paborito kong teksto para sa Advent dahil wala na akong ibang alam na kasinglinaw sa pagpapakita ng koneksyon sa pagitan ng simula at wakas ng buhay sa daigdig ni Jesus — sa pagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao (incarnation) at ang pagkapako sa krus (crucifixion). Malinaw na ipinapakita ng dalawang talatang ito kung bakit dumating si Cristo — upang mamatay. Mainam itong gamitin sa mga kaibigan at kapamilyang di-mananampalataya upang paunti-unti silang dalhin sa iyong Cristianong pananaw ng Pasko. Maaari mong gawin ang tulad nito:

                     Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao. . .

Ang salitang “anak” ay kinuha mula sa nakaraang talata (Hebreo 2:13) at tumutukoy sa espiritwal na anak ni Cristo, ang Mesias (tingnan ang Isaias 8:18; 53:10). Sila rin ang mga “anak ng Diyos” (Juan 1:12). Sa madaling salita, sa pagsugo kay Cristo, nakikita ng Diyos ang kaligtasan ng Kanyang “mga anak.”

Totoong “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya [si Jesus]” (Juan 3:16). Ngunit totoo na tinipon ng Diyos “ang mga anak ng Diyos na nasa iba’t ibang dako” (Juan 11:52). Dinisenyo ng Diyos na ialay si Cristo sa mundo at isagawa ang kaligtasan ng Kanyang mga anak (tingnan ang 1 Timoteo 4:10). Maaari mong maranasan ang pag-aampong ito sa pamamagitan ng pagtanggap kay Cristo (Juan 1:12).

                   . . . naging tao rin si Jesus at tulad nila’y may laman at dugo . . .

Ibig sabihin, naroroon na si Cristo bago pa ang Kanyang pagkakatawang-tao. Siyay’s espiritu. Siya’y Salitang walang wakas. Siya’y kasama ng Diyos at Siya’y Diyos (Juan 1:1; Colosas 2:9). Ngunit Siya’y naging laman at dugo, at dinamitan ang Kanyang pagka-Diyos ng pagiging tao. Siya’y naging buong tao at nanatiling buong Diyos. Ito’y isang malaking misteryo sa maraming paraan. Ngunit ito ang nasa puso ng ating pananampalataya — at kung ano ang tinuturo ng Biblia.

                  . . . upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan . . .

Kamatayan ang dahilan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Bilang Diyos, hindi Siya maaaring mamatay para sa mga makasalanan. Ngunit bilang tao, maaari Niyang gawin ito. Layunin Niyang mamatay. Kung gayon, kailangan Niyang ipanganak bilang tao. Pinanganak Siya upang mamatay. Biyernes Santo ang layunin ng Pasko. Ito ang kailangan marinig ng maraming tao ngayon tungkol sa dahilan ng Pasko.

                 . . . mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. . .

Sa Kanyang kamatayan, tinanggalan ni Cristo ng pangil ang Diyablo. Paano? Sa pamamagitan ng pagpawi sa lahat ng ating kasalanan. Ibig sabihin, wala nang lehitimong batayan si Satanas upang akusahan tayo sa harapan ng Diyos. “Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila?” (Roma 8:33) — ano’ng batayan ng Kanyang pagpapawalang-sala? Ang dugo ni Jesus (Roma 5:9).