Listen

Description

“At patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan, dahil pinapatawad din namin ang mga nagkakasala sa amin. At huwag nʼyo kaming hayaang matukso.” (Lucas 11:4, ASND)

Sino ba ang unang nagpapatawad kanino?

Kapag tinuturuan tayo ni Jesus na manalangin na patawarin tayo ng Diyos, “dahil pinapatawad din namin ang mga nagkasala sa amin,” hindi Niya sinasabing tayo ang gumawa ng unang hakbang sa pagpapatawad. Ganito talaga ang nangyayari: Pinatawad tayo ng Diyos nang sumampalataya tayo kay Cristo (Gawa 10:43). Pagkatapos, mula sa wasak, masaya, nagpapasalamat, at may pag-asang karanasan ng pinatawad na, inaalok natin ang kapatawaran sa iba.

Pinapakita nitong espiritung nagpapatawad na tayo’y ligtas at pinatawad na. Kumbaga, pinapakita ng ating pagpapatawad na tayo’y nananampalataya; na tayo’y kaisa ni Cristo; na tayo’y pinamamahayan ng maawain at mapagpakumbabang Banal na Espiritu.

Pero nagkakasala pa rin tayo (1 Juan 1:8, 10). Kaya lumalapit pa rin tayo sa Diyos para sa bagong aplikasyon ng pagkilos ni Cristo para sa atin — bagong aplikasyon ng pagpapatawad. Hindi natin ito magagawa nang may kompiyansa kung meron tayong espiritung hindi nagpapatawad. (Tandaan ang talinghaga tungkol sa aliping ayaw magpatawad sa Mateo 18:23–35. Tumanggi siyang patawarin ang kapwa niya alipin na may utang sa kanya ng sampung dolyar, kahit na siya’y pinatawad ng sampung milyon. Ipinakita ng kanyang espiritung ayaw magpatawad na hindi siya nabago ng habag ng hari.)

Pinoprotektahan tayo ni Jesus mula sa kamaliang ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa ating manalangin, “Patawarin n’yo kami sa aming mga kasalanan, dahil pinapatawad din namin ang mga nagkasala sa amin” (Lucas 11:4). Kaya sinasabi ni Jesus na humihingi tayo ng tawad dahil tayo ay nagpapatawad. Parang sinasabi natin, “Ama, patuloy mong ipagkaloob sa akin ang habag na binayaran ni Cristo, sapagkat pinatawad ako dahil sa habag na ito, at tinalikuran ko ang paghihiganti at ipinagkakaloob sa iba ang ipinagkaloob mo sa akin."

Nawa’y maranasan mo muli ang kapatawaran ng Diyos ngayon, at nawa’y umapaw ang biyayang iyon sa puso mo sa pagpapatawad sa iba. At nawa’y bigyan ka ng dagdag na katiyakan ng matamis na karanasan ng biyaya sa iyong buhay na, kapag lumapit ka sa Diyos para maranasan ang bagong kapatawarang tinubos ng dugo ni Cristo, malalaman mong tinuturing ka Niya bilang Kanyang pinatawad at nagpapatawad na anak.