“Muli siyang malulugod sa inyo at pagpapalain niya kayo.” (Deuteronomio 30:9)
Hindi naiinis ang Diyos kapag binibigyan Niya tayo ng pagpapala. May kasabikan ang kabutihan ng Diyos. Hindi Niya tayo hinihintay na lumapit sa Kanya. Hinahanap Niya tayo, dahil nagagalak Siyang gumawa ng mabuti para sa atin. Hindi tayo hinihintay ng Diyos; sinusundan Niya tayo. Ito ang literal na salin ng Mga Awit 23:6 (ABTAG2001), “Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga araw ng aking buhay.”
Gustong-gusto ng Diyos na magpakita ng awa. Uulitin ko: Gustong-gusto ng Diyos na magpakita ng awa. Hindi Siya nag-aatubili o urong-sulong o pansamantala lang sa Kanyang pagnanais na gumawa ng kabutihan para sa Kanyang mga anak. Matibay ang kandado ng Kanyang galit, ngunit gabuhok lang ang harang sa Kanyang habag. Ito ang Kanyang ibig sabihin nang bumaba Siya mula Mount Sinai at sinabi kay Moises, “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat” (Exodo 34:6). Ito ang Kanyang ibig sabihin nang sinabi Niya sa Jeremias 9:24, “Ako ang Panginoong mapagmahal na gumagawa ng tama at matuwid dito sa mundo, dahil iyon ang kinalulugdan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Hindi bugnutin ang Diyos. Hindi Siya madaling magalit. Sa halip, masigasig at walang katapusan ang Kanyang sigla sa pagtupad ng mga nagpapaligaya sa Kanya.
Mahirap para sa atin na maunawaan ito dahil kailangan nating matulog gabi-gabi para lamang kayanin at maging matagumpay sa mga bagay-bagay. Taas-baba ang ating mga emosyon. Nabo-bored tayo at nadi-discourage isang araw at nakakaramdam naman ng pag-asa at excitement sa susunod.
Para tayong maliliit na bukal na bumubula-bula lang. Ngunit ang Diyos ay tulad ng Pagsanjan Falls — tingnan ang tone-toneladang tubig na umaagos mula sa tuktok nito kada minuto, at isipin: Siguradong hindi ito puwedeng magpatuloy sa pag-agos nang ganito kalakas taon-taon. Pero nagpapatuloy lang ito.
Ito ang paraan ng paggawa ng kabutihan ng Diyos sa atin. Hindi Siya napapagod. Hindi ito nakakabagot para sa Kanya. Walang katapusan ang Pagsanjan Falls ng Kanyang biyaya.