Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” (Roma 12:19)
Bakit napakahalaga ng pangakong ito sa pagtatagumpay natin laban sa pagkiling sa poot at paghihiganti? Ang dahilan ay ito: Sinasagot ng pangakong ito ang isa sa pinakamatinding udyok sa likod ng galit — isang udyok na hindi naman talaga mali.
Maraming beses ay totoong may maling ginawa sa atin. Kaya hindi naman talaga mali na makaramdam ng paghahanap ng hustisya para sa nangyari. Ang mali ay kapag nararamdaman nating dapat ay may gawin tayo upang mangyari ito, at makararamdam tayo ng poot hanggang hindi ito nangyayari. Ito’y isang nakamamatay na pagkakamali.
Nang panahon ko sa seminaryo, ako at si Noël ay kasali sa isang small group para sa mga mag-asawa. Ang mga nasa grupo ay nagbabahagi ng malalalim at personal na saloobin. Isang gabi, pinag-uusapan namin ang tungkol sa pagpapatawad at galit. Isa sa mga nakababataang asawang babae ay nagsabing hindi niya kaya, at ayaw niyang patawarin ang kanyang ina para sa isang bagay na ginawa nito noong siya’y bata pa.
Pinag-usapan namin ang ilan sa mga biblikal na kautusan at babala tungkol sa espiritung hindi nagpapatawad.
Ngunit hindi nagbago ang kanyang isip. Kaya binalaan ko siya na nasa panganib ang kanyang kaluluwa kung ipagpapatuloy niya ang ugaling hindi nagpapatawad at may poot. Ngunit matibay niyang sinabing hindi niya patatawarin ang kanyang ina.
Ang grace ng paghatol ng Diyos ay ipinangako sa atin sa Roma 12 upang tulungan tayong mapagtagumpayan ang nakamamatay na espiritu ng paghihiganti at poot.
Ang katuwiran ni Pablo ay ito: Makasisiguro tayo na ang lahat ng kamalian ay aaksyunan ng Diyos at maaari natin itong iwan sa Kanyang mga kamay dahil ang paghihiganti ay sa Kanya. Upang kilusin tayong bitiwan ang ating pagnanasa sa paghihiganti, nangako Siya: “Ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”
Ang pangakong nagpapalaya sa atin mula sa espiritung hindi makapagpatawad, may poot, at paghihiganti ay ang pangakong aaksyunan ng Diyos ang nangyari sa atin. Gagawin Niya ito nang mas may katwiran at may habag at lubusan kaysa sa atin. Parurusahan Niya ang lahat ng kasalanan. Walang makakatakas sa kahit ano. Parurusahan Niya ito kay Cristo sa krus para sa mga nagsisi at nagtiwala sa Kanya, o sa impyerno para sa mga hindi gumawa nito. Kaya naman puwede tayong umatras at mag-iwan ng espasyo upang gawin ng Diyos ang Kanyang perpektong gawain.