Listen

Description

Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos. (Mga Gawa 14:22, MBBTAG)

Hindi lamang pagod dahil sa pang-araw-araw na stress nagmumula ang pangangailangan para sa inner strength. Mula rin ito sa pagdurusa at paghihirap na dumarating paminsan-minsan. At dumarating nga ang mga ito.

Hindi maiiwasang maidagdag ang pagdurusa sa panghihina ng puso sa daan papuntang langit. Pagdating nito, maaaring mag-alinlangan ang puso at puwedeng magmukhang napakahirap lakaran ng makitid na daan ng buhay. Mahirap na ngang magkaroon ng makitid na kalye at matarik na bundok na sinusubok ang lakas ng isang lumang kotse. Ngunit ano ang gagawin natin kapag nasira ito?

Tatlong beses iniyak ni Paul ang tanong na ito dahil sa ilang paghihirap sa kanyang buhay. Humingi siya ng ginhawa mula sa kanyang tinik sa laman. Ngunit ang biyaya ng Diyos ay hindi dumating sa anyong hiniling ni Paul. Dumating ito sa ibang anyo. Sumagot si Cristo, “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan koʼy nakikita sa iyong kahinaan” (2 Corinto 12:9, ASND).

Makikita natin dito ang biyayang ibinigay sa anyo ng sustaining power ni Cristo sa di-inaasahang paghihirap — masasabi nating ito’y isang biyayang ibinigay sa loob ng isang biyayang itinanggi. At tumugon si Paul nang may pananampalataya sa kasapatan ng future grace na ito: “Kaya buong galak kong ipinagmamalaki ang aking mga kahinaan, nang sa ganoon ay lagi kong maranasan ang kapangyarihan ni Cristo” (2 Corinto 12:9, ASND).

Madalas tayong pagpalain ng Diyos ng “biyayang ibinigay” sa loob ng “biyayang itinanggi.”

Halimbawa, isang napakainit na araw ng Hulyo, tumigil ang water pump ng aming kotse. Dalawampung milya mula sa anumang bayan ang layo namin nang kami’y ma-stranded sa interstate sa Tennessee.

Ipinagdasal ko nang umagang iyon na tumakbo nang maayos ang kotse namin at ligtas kaming makarating sa aming destinasyon. Ngayon ay namatay ito. Itinanggi ang biyaya ng walang problemang paglalakbay. Walang tumitigil habang nakapaligid kami sa kotse namin. Pagkatapos ay sinabi ng anak kong si Abraham (mga labing-isang taong gulang siya noon), “Tay, dapat manalangin tayo.” Kaya yumuko kami sa likuran ng kotse at humingi sa Diyos ng future grace — isang tulong sa oras ng pangangailangan. Nang matapos kaming manalangin, may isang pickup trak na huminto.

Ang drayber ay isang mekanikong nagtatrabaho nang mga dalawampu't dalawang milya ang layo mula sa aming puwesto. Sinabi niyang handa siyang kumuha ng mga piyesa at bumalik upang ayusin ang aming kotse. Sumakay ako sa trak kasama niya papunta sa bayan at naibahagi ko sa kanya ang ebanghelyo. Mga limang oras kaming bumiyahe.

Ang kamangha-mangha tungkol sa sagot sa aming panalanging iyon ay nasa loob siya ng isang panalanging tinanggihan. Humingi kami ng walang problemang biyahe. Binigyan kami ng Diyos ng problema. Ngunit sa gitna ng itinangging biyayang ito, nabigyan kami ng ibang biyaya. At natututo akong magtiwala sa karunungan ng Diyos, sa Kanyang pagbibigay ng biyaya na pinakamabuti para sa akin at sa mga di-mananampalatayang mekaniko at sa sumusubaybay na pananampalataya ng labing-isang taong gulang na mga binatilyo.

Hindi tayo dapat magulat na binibigyan tayo ng Diyos ng kahanga-hangang biyaya, sa gitna ng pagdurusang hiniling nating huwag Niyang pahintulutang mangyari. Alam Niya kung paano parti-partihin ang Kanyang biyaya para sa ating ikabubuti at sa Kanyang ikaluluwalhati.