Sinasabi ng tamad, “May leon sa labas! Mapapatay ako sa mga lansangan!” (Kawikaan 22:13, ABTAG2001)
Hindi ito ang inaasahan kong sasabihin ng kawikaang ito. Inasahan kong sasabihin nito, “Sinasabi ng duwag, ‘May leon sa labas! Mapapatay ako sa mga lansangan!” Pero sabi rito, “tamad,” hindi “duwag.” Kaya, ang kumokontrol na damdamin dito ay katamaran, hindi takot.
Pero ano ang kinalaman ng katamaran sa panganib ng leon sa kalye? Hindi natin karaniwang sinasabing, “Masyadong tinatamad gawin ng taong ito ang kanyang gawain dahil may leon sa labas.”
Ang punto ay lumilikha ang tamad ng mga imaginary na sitwasyon para bigyang-katwiran ang hindi paggawa ng kanyang gawain, at sa gayon ay inililipat ang focus mula sa bisyo ng kanyang katamaran papunta sa panganib ng mga leon. Walang sinumang papayag na manatili siya sa bahay buong maghapon dahil tamad siya. Pero puwede nila siyang i-excuse kung may leon sa kalye.
Ito ang isang malalim na insight sa Biblia na kailangan nating matutuhan mula rito: na ang ating puso’y pinagsasamantalahan ang isipan natin para pangatwiranan ang ating kagustuhan. Ibig sabihin, mas nauuna ang deepest desires natin kaysa sa tamang pag-function ng ating isipan, at nililiko nito ang ating isip para tumingin at mag-isip ng paraan para maging tama ang ating mga gusto, kahit mali ang mga ito.
Ito ang ginagawa ng tamad. Gustong-gusto niyang manatili sa bahay at hindi magtrabaho. Walang magandang dahilan para manatili sa bahay. Kaya, ano ang ginagawa niya? Tinatalo ba niya ang kanyang masamang pagnanais — ang kanyang katamaran? Hindi, ginagamit niya ang kanyang isip para lumikha ng di-totoong sitwasyon para pangatwiranan ang kanyang naisin.
Sabi ni Jesus, “Naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa” (Juan 3:19). Gustong-gusto natin ang kadiliman para patuloy nating magawa ang mga gusto nating gawin nang hindi malalantad. Sa ganitong kalagayan, nagiging pabrika ng kadiliman ang isipan — isang bukal ng kalahati o di-malinaw na katotohanan, maling argumento, pag-iwas, at kasinungalingan — anumang bagay para protektahan ang masasamang kagustuhan ng puso mula sa pagkalantad at pagkawasak.
Ikunsidera ito at maging matalino.