Listen

Description

“Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.” Biglang lumitaw kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila’y nagpupuri sa Diyos at umaawit, “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!” Lucas 2:12–14

Kapayapaan para kanino? May mapanglaw na tono ang papuri ng mga anghel. Kapayapaan para sa Kanyang pinapaboran. Kapayapaan para sa mga kinaluluguran Niya. Ngunit imposibleng bigyan-kaluguran ang Diyos nang walang pananampalataya (Hebreo 11:6). Kung gayon, ang Pasko’y hindi nagdadala ng kapayapaan sa lahat.

“Ganito ang paghatol ng Diyos,” sabi ni Hesus, “naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng

mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa” (Juan 3:19). O tulad ng sinabi ng matandang Simeon nang nakita niya ang batang Jesus, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip” (Lucas 2:34–35). O, kay-raming nakadungaw sa isang malungkot at maginaw na Pasko at walang ibang makikita kundi iyon — isang tandang kailangan salungatin.

“Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos” (Juan 1:11–12). Sa Kanyang mga alagad lamang Niya sinabi, “Kapayapaan

ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot” (Juan 14:27).

Ang mga tumatamasa ng kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ay iyong mga humihiling sa Diyos ng lahat ng kanilang kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat (Filipos 4:6–7).

Ang susi na nagbubukas ng kaban ng kayaman ng kapayapaan ng Diyos ay pananampalataya sa mga pangako Niya. Kaya nanalangin si Pablo, “Nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya” (Roma 15:13). At kapag nagtiwala tayo sa mga pangako ng Diyos at nagkaroon ng kagalakan at kapayapaan at pag-ibig, naluluwalhati ang

Diyos.

Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, sa kapayapaan sa lahat ng Kanyang kinaluluguran sa daigdig! Lahat — mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika — na mananampalataya.