Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo’y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan. (2 Tesalonica 1:11, ABTAG2001)
Ang paghahanap sa kapangyarihan ng Diyos para tuparin ang mabubuting hangarin natin ay hindi nangangahulugang hindi talaga tayo naghahangad, o hindi talaga natin ginagamit ang ating kalooban.
Hindi pinapalitan ng pakikibahagi ng kapangyarihan ng Diyos ang pakikibahagi ng ating kalooban! Hindi tayo ginagawang walang-pakialam ng kapangyarihan ng Diyos sa pagpapabanal! Kumikilos ang kapangyarihan ng Diyos sa ilalim o likod o loob ng ating kalooban, hindi bilang kapalit nito.
Hindi ang kawalan ng kalooban natin ang katibayan ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay, kundi ang lakas ng ating loob, ang kagalakan ng loob natin.
Ang sinumang nagsasabing, “Naniniwala ako sa soberanong kapangyarihan ng Diyos kaya wala na lang akong gagawin” ay hindi talaga naniniwala sa kapangyarihan ng Diyos. Bakit naman sadyang susuwayin ang Diyos ng taong naniniwala sa kapangyarihan Niya?
Kapag wala kang ginawa, hindi ka lang gumagawa ng wala. Aktibo mong ginagamit ang iyong kalooban sa isang desisyon na walang gawin. At kung ganyan mo harapin ang kasalanan o tukso sa iyong buhay, tahasan itong pagsuway, dahil inutusan tayong makipaglaban nang mabuti (1 Timoteo 1:18) at labanan ang diyablo (James 4:7) at sikaping mamuhay nang banal (Hebreo 12:14) at patayin ang makasalanang gawain ng katawan (Roma 8:13).
Sabi sa 2 Tesalonica 1:11, magagawa natin ang mabubuting hangarin at gawa ng pananampalataya dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Pero hindi nito pinapawalang-bisa ang kahulugan ng salitang “hangarin” at ng salitang “gawain.” Bahagi ng buong proseso ng paglalakad na karapat-dapat sa tawag ng Diyos ang aktibong pakikibahagi ng ating kalooban sa paghahangad na gumawa ng kabutihan.
Kung may nananatili kang kasalanan sa iyong buhay, o kung patuloy mong pinababayaan ang isang mabuting gawain dahil naghihintay kang maligtas nang walang ginagawa, pinapalala mo lang ang iyong pagsuway. Hindi kailanman magpapakita ang Diyos nang may kapangyarihan sa iyong kalooban sa anumang paraan maliban sa pagsasagawa mo ng kaloobang iyon; ibig sabihin, ng iyong mabubuting hangarin — ang iyong mabubuting intensyon at mga plano at layunin.
Kaya hindi dapat matakot ang mga taong naniniwala sa kapangyarihan ng Diyos na gawing kabahagi ang kanilang kalooban sa pagsusumikap na maging banal. “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok” (Lucas 13:24, MBBTAG). Magsikap ka lang sa pananampalataya na sa iyong pagsisikap, kumikilos ang Diyos para naisin at isagawa ang Kanyang kalooban (Filipos 2:13).