Day 7
Panahon ng paghahari ni Herodes sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. May mga pantas mula pa sa silangan na dumating sa Jerusalem. Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya’y sambahin.”
Mateo 2:1–2
Di tulad ni Lucas, hindi itinala ni Mateo ang tungkol sa mga pastol na bumisita kay Jesus sa sabsaban. Naka-focus agad siya sa mga dayuhan — mga Hentil, hindi Judio — na dumayo mula sa silangan upang sambahin si Jesus.
Ipinakita ni Mateo si Jesus, sa umpisa at dulo ng kanyang Ebanghelyo, bilang pangkalahatang Mesias para sa lahat ng mga bansa, hindi lamang para sa mga Judio.
Dito, ang mga unang sumamba ay court magicians, o manghuhula, o mga pantas na hindi mula sa Israel kundi sa silangan — malamang ay mula sa Babilonia. Sila ay mga Hentil. Sila’y hindi malinis, ayon sa mga seremonyal na kautusan ng Lumang Tipan.
Sa pagtatapos ng Mateo, ang mga huling salita ni Jesus ay, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa.Kaya’t humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa” (Mateo 28:18–19).
Hindi lamang nito binuksan ang pinto para sa ating mga Hentil na magdiwang sa Mesias; nadagdag din ito bilang katibayan na si Jesus ang Mesias dahil isa sa mga inuulit na propesiya ay lalapit sa Kanya ang mga bansa at mga hari bilang pinuno ng daigdig. Halimbawa, sa Isaias 60:3:
Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag,
ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat.
Nagdagdag si Mateo ng katibayan ng pagka-Mesias ni Jesus at nagpakita na siya ang Mesias — isang hari, at tagatupad ng pangako — para sa lahat ng bansa, hindi lamang ng Israel.