Listen

Description

“Ako'y gagawa sa kanila ng isang walang hanggang tipan, at hindi ako hihiwalay sa kanila upang gawan sila ng mabuti . . . Ako'y magagalak sa kanila na gawan ko sila ng mabuti.” (Jeremiah 32:40–41, ABTAG2001)

Isa ito sa mga pangako ng Diyos na binabalik-balikan ko kapag nadi-discourage ako. May naiisip ka bang mas nakahihikayat kaysa sa katotohanang nagagalak ang Diyos na gawan ka ng mabuti? Hindi lamang gawan ka ng mabuti. Hindi lamang committed na gawan ka ng mabuti — gaano man ka-glorious ito. Nagagalak Siyang gawan ka ng mabuti. “Ako’y magagalak sa kanila na gawan ko sila ng mabuti.”

Hindi Siya napipilitan lang sa pagtupad sa mga pangako ng Roma 8:28, na gagawin ang lahat ng bagay para sa ikabubuti natin. Kagalakan Niyang gawan tayo ng mabuti. At hindi lang paminsan-minsan. Palagi! “Hindi ako hihiwalay sa kanila upang gawan sila ng mabuti.” Walang agwat sa Kanyang katapatan o kagalakan na gawan ng mabuti ang Kanyang mga anak — ang mga nagtitiwala sa Kanya.

Dapat tayong magalak!

Ngunit minsan ay mahirap para sa ating maging masaya. Napakahirap ng ating sitwasyon kaya hindi natin makuhang magalak. Kapang nangyayari sa akin ito, sinusubukan kong gayahin si Abraham: “Umasa kahit wala nang pag-asa” (Roma 4:18). Sa madaling salita, titigan mo ang kawalan ng pag-asa at sabihing, “Hindi ka kasingtatag ng Diyos! Magagawa Niya ang imposible. At alam kong gustong-gusto Niyang gawin ito para sa mga nagtitiwala sa Kanya. Kaya, hopelessness, wala sa iyo ang huling salita. Nagtitiwala ako sa Diyos!"

Noon pa man ay tapat na ang Diyos sa pagbabantay ng kaunting kinang ng aking pananampalataya. At kalaunan (hindi laging agad-agad), ito’y nagiging maalab na apoy ng kagalakan at lubos na pagtitiwala. At ang Jeremiah 32:41 ay malaking bahagi ng kagalakang iyon.

Ah, masaya ako na kasama sa nagpapasaya sa puso ng makapangyarihang Diyos ang paggawa ng mabuti para sa iyo at sa akin! “Ako’y magagalak sa kanila na gawan ko sila ng mabuti.”