Ito ang ibig naming sabihin: mayroon tayong ganyang Pinakapunong Pari, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. Siya’y naglilingkod doon sa Dakong Banal, sa tunay na toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao. . . . Ang paglilingkod ng mga ito ay larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, “Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.” Hebreo 8:1–2, 5
Nakita na natin ito dati. Pero meron pa. Ang Pasko ay ang pagpapalit ng tunay na bagay sa mga anino.
Isang pagbubuod nito ang Hebreo 8:1–2, 5. Ang punto ay ito: Ang nag-iisang pari na namamagitan sa atin at sa Diyos, at ginagawa tayong tama sa mata ng Diyos at ipinapanalangin tayo, ay hindi isang ordinaryo, mahina, makasalanan, at namamatay na pari ng Lumang Tipan. Siya ang Anak ng Diyos — malakas, walang kasalanan, at hindi magagapi.
Hindi lang iyon. Hindi Siya naglilingkod sa makamundong tabernakulo, na may limitasyon ang lugar at laki, na naluluma at kinakain ng gamu-gamo at nababasa at nasusunog at nasisira at nananakaw. Sabi sa Hebreo 8:2, si Cristo ay naglilingkod sa atin “sa tunay na toldang
itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao.” Hindi ito anino. Ito ay tunay na nasa langit. Ito ang realidad na nagpakita sa Mount Sinai upang kopyahin ni Moises.
Ayon sa Hebreo 8:1, heto ang isa pang magandang bagay tungkol sa katotohanang higit pa sa anino: Nakaupo ang ating high priest sa kanang kamay ng Diyos sa langit. Walang pari mula sa Lumang Tipan ang puwedeng magsabi nito.
Direktang nakikipag-usap si Jesus sa Diyos Ama. Mayroon Siyang lugar ng karangalan sa tabi ni Diyos. Walang hanggan ang pag-ibig at respeto sa Kanya ng Diyos. Palagi Niyang kasama ang Diyos. Hindi ito ang realidad ng mga anino, tulad ng mga kurtina at mangkok
at mesa at kandila at balabal at palawit at tupa at kambing at kalapati. Ito ang panghuling realidad: Nag-uusap ang Diyos at ang Anak sa pag-ibig at kabanalan para sa ating
panghabang-buhay na kaligtasan.
Ang pinakamataas na realidad ay ang relasyon ng Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, ang kanilang pakikipagugnayan sa isa’t isa tungkol sa kanilang kadakilaan at kabanalan at pag-ibig at katarungan at kabutihan at katotohanan na makikita sa mga tinubos na tao.