“Kung dinadamitan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!” (Mateo 6:30)
Sinabi ni Jesus na ang ugat ng pagkabalisa ay di-sapat na pananampalataya — “kay liit ng inyong pananampalataya” — sa biyaya ng ating Ama sa hinaharap.
Puwedeng ito ang isang reaksyon ng ilan: “Hindi ito magandang balita! Katunayan, nakapanghihina ng loob na malaman na ang inaakala kong pakikipaglaban lang sa pagkabalisa ay may malalim palang ibig sabihin at nakasalalay dito kung nagtitiwala ba ako sa Diyos.”
Ang sagot ko sa discouragement na ito ay pagsang-ayon, at pagkatapos ay di-pagsang-ayon.
Kunwari’y sumasakit ang iyong tiyan at sumusubok ka ng mga gamot at kung ano-anong diet, pero wala silang epekto. At pagkatapos, ipalagay mong sinabi sa ’yo ng iyong doktor, matapos ang isang regular na check-up, na mayroon kang kanser sa iyong small intestine. Magandang balita ba ’yan? Sinasabi mo, mariing hindi! At sang-ayon ako rito.
Pero hayaan mong itanong ko ito nang ibang paraan: Natutuwa ka bang natuklasan ng doktor ang kanser habang ito’y puwede pang gamutin, at sa katunayan, ito’y puwedeng matagumpay na gamutin? Sinasabi mo, oo, tuwang-tuwa akong natagpuan ng doktor ang tunay na problema. Muli, sumasang-ayon ako rito.
Kaya, ang balitang mayroon kang kanser ay hindi magandang balita. Pero, sa isang banda, magandang balita ito, dahil mabuting nalaman mo kung ano talaga ang problema, lalo na kapag ang problema’y puwedeng gamutin successfully.
’Yan ang pakiramdam na malaman na ang tunay na problema sa likod ng pagkabalisa ay “maliit na pananampalataya” (tulad ng sabi ni Jesus) sa mga pangako ng biyaya ng Diyos sa hinaharap. At kaya Niyang kumilos sa napakagandang paraan ng pagpapagaling kapag iniiyak natin, “Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya!” (Marcos 9:24).