“Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at silang dalawa ay magiging isa.” Mayroon ditong malalim na hiwaga, at sinasabi ko na ito'y tumutukoy sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya.” (Efeso 5:31-32)
Binabanggit ni Paul dito sa Efeso 5:31 ang Genesis 2:24, na sinabi ni Moses — at sinabi ni Jesus na nangusap ang Diyos sa pamamagitan ni Moses (Mateo 19:5) — “Iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at silang dalawa ay magiging isa.” Sinabi ni Paul na ang salitang ito ng Diyos, na binigkas bago ang pagkahulog ng tao sa kasalanan, ay tungkol kay Cristo at sa simbahan at kung gayo’y naglalaman ng isang dakilang hiwaga.
Ipinahihiwatig nito na kapag nagsimulang lumikha ang Diyos ng lalaki at babae at mag-atas ng pagiging isa sa kasal, hindi Siya gumamit ng dice o nag-draw lots o nag-toss coin kung paano sila maiuugnay sa isa’t isa. Itinulad Niya ang pagsasama ng mag-asawa sa ugnayan ng Kanyang Anak at ng simbahan, na Kanyang pinlano mula sa kawalang-hanggan.
Kung gayon, isang hiwaga ang pag-aasawa — naglalaman at nagtatakip ito ng kahulugang higit pa sa nakikita natin sa labas. Nilikha ng Diyos ang lalaki at babae at iniatas ang kasal para mailarawan ng pagsasama ng mag-asawa ang walang-hanggang tipanan sa pagitan ni Cristo at ng Kanyang simbahan.
Ito ang hinuha ni Paul mula sa misteryong ito: Hindi nagkataon lang ang pagtatalaga ng papel na ginagampanan ng mag-asawa sa kasal, kundi nakaugat sa natatanging tungkulin ni Cristo at ng Kanyang simbahan.
Tayong mga may-asawa ay dapat pagnilayan nang paulit-ulit kung gaano kahiwaga at kamangha-mangha na binigyan tayo ng Diyos ng pribilehiyong ilarawan ang dakilang katotohanan na di-natatapos ang kahigitan sa ating mga sarili.
Ang hiwagang ito ni Cristo at ng simbahan ang pundasyon ng pattern ng pag-ibig na inilarawan ni Paul para sa kasal. Hindi sapat na sabihin ng mag-asawa na dapat hanapin nila ang sariling kagalakan sa kagalakan ng kanilang asawa. Totoo iyan. Pero hindi sapat ito. Mahalaga ring sabihin na dapat gayahin ng mag-asawa ang ugnayang hangad ng Diyos para kay Cristo at sa simbahan. Ibig sabihin, dapat hangarin ng bawat isa na mamuhay ayon sa natatanging huwaran ng dalisay at magandang plano ng Diyos para kay Cristo at sa simbahan.
Sana seryosohin mo ito, may asawa ka man o wala, matanda ka man o bata. Nakasalalay dito ang paghahayag ni Cristong tumutupad sa covenant at sa Kanyang simbahang tumutupad din dito.
This article was translated by Joshene Bersales and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/the-mystery-of-marriage
Joshene Bersales considers Joshua her Bible hero, and strives to have faith that can make the sun stand still. She graduated with an AB Literature (English) degree from Ateneo de Manila University. She is a writer, editor, and translator. Joshene loves theater, traveling, and collecting children’s books. You can find her on IG: @joshenebersales
John Piper (@JohnPiper) is founder and teacher of desiringGod.org and chancellor of Bethlehem College & Seminary. For 33 years, he served as pastor of Bethlehem Baptist Church, Minneapolis, Minnesota. He is author of more than 50 books, including Desiring God: Meditations of a Christian Hedonist and most recently Providence.