Sapagkat hindi narinig ng mga tao mula nang una, o naulinigan man ng pandinig, o ang mata man ay nakakita ng Diyos liban sa iyo, na gumagawa para sa mga naghihintay sa kanya. (Isaiah 64:4, ABTAG2001)
Iilan lang ang nagbigay sa’kin ng higit na kagalakan kaysa sa katotohanan na gustong-gustong ipakita ng Diyos ang Kanyang kabanalan sa pamamagitan ng pagkilos para sa akin, at ang Kanyang gawain para sa akin ay laging nauuna at pumapailalim at nasa anumang gawaing ginagawa ko para sa Kanya.
Sa una, puwedeng magtunong mayabang tayo, at minamaliit ang Diyos, sa pagsabing gumagawa Siya para sa atin. Pero dahil lang ito sa konotasyon na employer ako at kailangan ng Diyos ng trabaho. Hindi ’yan ang nais ipahiwatig kapag binabanggit ng Biblia ang tungkol sa gawain ng Diyos para sa atin. Ni hindi ito nasa isip ni Isaiah nang sabihin niyang ang Diyos ay “gumagawa para sa mga naghihintay sa kanya” (Isaiah 64:4).
Ang tamang paghahalintulad ng pagsasabing ang Diyos ay gumagawa para sa akin ay ito: Bankrupt ako’t kailangan ng magbabayad ng mga utang ko. Mahina ako’t kailangan ng malakas na tao. Nanganganib ako at kailangan ng tagapagtanggol. Hangal ako’t kailangan ng matalinong tao. Naliligaw ako’t kailangan ng Tagapagligtas.
Ibig sabihin ng pagkilos ng Diyos para sa’kin ay hindi ko kayang gawin ang gawain. Kailangang-kailangan ko ng tulong.
At niluluwalhati nito ang Diyos, hindi ako. Nakakakuha ng kaluwalhatian ang Tagapagbigay. Nakakatanggap ng papuri ang Makapangyarihan.
Pakinggan ang paraan ng pagbanggit sa Biblia tungkol sa pagkilos ng Diyos para sa ’yo, at maging malaya sa pagpasan ng iyong sariling pasanin. Hayaang gawin Niya ang gawaing iyan.
- “Sangkatauhan ay wala pang nakikita o naririnig na Diyos maliban sa iyo; ikaw na tumutugon sa mga dalangin ng mga umaasa sa iyo” (Isaiah 64:4).
- “Hindi rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan” (Mga Gawa 17:25).
- “Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami” (Mark 10:45).
- “Nagmamasid si Yahweh sa buong daigdig upang tumulong sa lahat ng tapat sa kanya. Dahil sa kahangalan mong ito, mula ngayo'y lagi kang magkakaroon ng digmaan” (2 Cronica 16:9).
- “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin . . . Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin; kayo'y aking ililigtas, ako'y inyong pupurihin” (Mga Awit 50:12, 15).
- “Iingatan ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda. Kayo'y nilikha ko kaya tungkulin ko na kayo'y iligtas at tulungan” (Isaiah 46:4).
- “Nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin” (1 Corinto 15:10).
- “Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay, ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan” (Mga Awit 127:1).
- “Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo” (1 Pedro 4:11).
- “Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan . . . sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban” (Mga Taga Filipos 2:12–13).
- “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago” (1 Corinto 3:6).