Maaasahan nating patatawarin niya ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid siya. (1 John 1:9, ASND)
Naaalala kong sinabi ng isa sa mga propesor ko sa seminaryo na isa sa pinakamahusay na sukatan ng teolohiya ng isang tao ay ang epekto nito sa kanyang mga panalangin.
Tinuring ko itong totoo dahil nangyari ito sa aking buhay. Bagong kasal lang kami ni Noël noon at sinasanay pa naming manalangin nang magkasama bawat gabi. Napansin kong habang kumukuha ako ng biblical courses na humuhubog at nagpapalalim ng aking teolohiya, nagbabago rin ang aking mga panalangin.
Ang isa sa pinakamahalagang pagbabago noong panahong iyon ay kung paano ako natutong humarap sa Diyos batay sa kanyang kaluwalhatian. Sa pagsisimula ko sa “Sambahin nawa ang iyong pangalan” at pagtatapos sa “Sa pangalan ni Jesus,” ang kaluwalhatian ng Diyos ang layunin at batayan ng lahat ng aking mga panalangin.
Anong kalakasan ang dumating sa aking buhay nang natutunan kong ang paghingi ng tawad ay hindi lang dapat batay sa apela sa awa ng Diyos kundi sa kanyang mabuting paghatol din, sa pagbibigay-halaga sa pagsunod ng Kanyang Anak. Maaasahan mong patatawarin Niya ang iyong mga kasalanan at lilinisin ka sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid Siya. (1 John 1:9).
Sa Bagong Tipan, mas malinaw na pinapakita ang batayan ng lahat ng kapatawaran ng mga kasalanan, kumpara sa Lumang Tipan. Ngunit ang batayan — ang commitment ng Diyos sa ikaluluwalhati ng Kanyang pangalan — ay hindi nagbabago.
Tinuturo ni Pablo na ipinakita ng kamatayan ni Cristo ang katuwiran ng Diyos sa pagpapalampas sa mga kasalanan, at pinatunayan ang Kanyang hustisya sa pagbibigay-katwiran sa mga makasalanang umaasa kay Jesus at hindi sa kanilang mga sarili (Romans 3:25–26).
Kung gayon, namatay si Cristo upang linisin ang pangalan ng Diyos mula sa tila matinding kabiguan ng hustisya — ang pagpapawalang-sala ng mga makasalanan alang-alang lamang kay
Hesus. Ngunit namatay si Hesus sa paraan na ang pagpapatawad "alang-alang kay Hesus" ay katulad ng pagpapatawad "alang-alang sa pangalan ng Diyos." Walang kabiguan ng hustisya. Ang pangalan ng Diyos, ang Kanyang katuwiran, ang Kanyang hustisya, ay pinatunayan ng sakripisyo ni Cristo na nagbibigay-karangalan sa Kanya.
Tulad ng sinabi ni Hesus noong mga huling sandali, “Ako’y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito — upang danasin ang oras na ito. Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan” (John 12:27–28). Ito mismo ang Kanyang ginawa — upang Siya’y maging makatwiran at tagapagtanggol ng mga nagtitiwala kay Jesus (Romans 3:26).