Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos. (Roma 9:8)
Tingnan si Abraham ng Lumang Tipan bilang isang pastor. Sabi ng Panginoon, “Pagpapalain kita at pauunlarin ko ang iyong ministry.” Ngunit ang church ay tigang at walang mga anak.
Ano ang ginawa ni Abraham? Nagsimula siyang mawalan ng pag-asa para sa isang divine intervention. Tumatanda na siya. Ang kanyang asawa ay nananatiling baog. Kaya nagpasya siyang isakatuparan ang pinangakong anak ng Diyos nang walang supernatural na pamamaraan. Nakipagtalik siya kay Hagar, ang katulong ng kanyang asawa (Genesis 16:4). Subalit ang resulta ay hindi isang “anak ng pangako,” kundi isang “anak ng laman,” si Ismael.
Ginulat ng Diyos si Abraham sa pagsasabing, “Magkakaanak ka sa [iyong asawang si Sarah]” (Genesis 17:16). Kaya’t umiyak si Abraham sa Diyos, “Bakit hindi na lang po si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?” (Genesis 17:18). Nais niyang maging katuparan ng pangako ng Diyos ang gawain ng kanyang sariling pamamaraan. Ngunit sabi ng Diyos, “Hindi; ang asawa mong si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki” (Genesis 17:19).
Ngunit si Sarah ay 90 years old na. Siya ay baog buong buhay niya, at dumaan na siya sa menopause (Genesis 18:11). Si Abraham ay 100. Ang tanging pag-asa para sa isang anak ng pangako ay isang napakagandang supernatural intervention.
Iyan ang ibig sabihin ng maging “anak ng pangako” — na isisilang hindi “ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos” (Juan 1:13). Ang tanging mga batang nabibilang bilang mga anak ng Diyos sa mundong ito ay ang supernatural na ipinanganak na children of promise. Sinasabi ni Pablo sa Galacia 4:28, “Mga [Cristiano], tulad ni Isaac, tayo’y mga anak ayon sa pangako.” Kayo ay “ipinanganak ayon sa Espiritu,” hindi ayon sa laman (Galacia 4:29).
Isipin muli si Abraham bilang pastor. Hindi lumalago ang kanyang church tulad ng pinaniniwalaan niyang pinangako ng Diyos. Pagod na siyang maghintay ng supernatural na pamamaraan. Bumaling siya sa “Hagar” ng mga tao, at nagpasyang “maaakit niya ang mga tao” nang walang supernatural na pagkilos ng Banal na Espiritu.
Ngunit hindi ito magiging church ni Isaac, kundi ng mga Ismaelita — mga anak ng laman, hindi mga anak ng Diyos. Inililigtas tayo ng Diyos mula sa ganitong uri ng nakamamatay na tagumpay. Oo, gawin natin ang lahat ng dapat gawin. Ngunit laging umasa sa Panginoon para sa decisive at supernatural na gawain. “Ang kabayo’y naihahanda para sa digmaan, ngunit tanging si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay” (Mga Kawikaan 21:31).