Day 4
Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang sensus na ito ay ginawa noong si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya’t umuwi ang mga tao sa sarili nilang bayan upang magpatala. Mula sa Nazaret, isang lungsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya’y mula sa angkan ni David. Kasama rin niyang umuwi upang magpatala si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay nagdadalang-tao.
Lucas 2:1–5
Naisip mo na ba kung gaano kamangha-mangha na naunang naitalaga ng Diyos ang Mesias na ipanganak sa Bethlehem (na pinapakita ng propesiya sa Micah 5:2)? Namamangha ka ba na itinalaga Niya ang mga bagay-bagay na pagdating ng panahon, hindi nakatira sa Bethlehem ang ina at legal na ama ng Mesias, kundi sa Nazareth? Na upang matupad ang Kanyang Salita at pagbukludin ang dalawang di-kilala, di-mahalaga, at abang tao sa Bethlehem para sa unang Pasko, inilagay ng Diyos sa puso ni Caesar Augustus na dapat magpatala ang buong mundo ng Romano sa kanyang sariling bayan? Isang kautusan para sa buong mundo upang paglakbayin nang pitumpung milya ang dalawang tao!
Tulad ko, naramdaman mo na bang maging maliit at di-mahalaga sa mundong may pitong bilyong tao, kung saan ang lahat ng balita ay tanging tungkol sa malalaking politikal at ekonomiko at social na pagkilos at namumukod-tanging mga tao na may halaga sa mundo at may kapangyarihan at reputasyon? Kung oo, huwag mo hayaang ito’y ikalungkot o ipanghina mo ng loob. Dahil ipinahihiwatig sa Kasulatan na ang mga dambuhalang political forces at industrial complexes ay ginagabayan ng Diyos, nang hindi nila nalalaman, hindi para sa kanilang kapakanan, kundi para sa kapakanan ng mga abang tao ng Diyos — ang maliit na Maria at maliit na Jose na kinailangang maglakbay mula Nazareth patungong Bethlehem. Gumagamit ang Diyos ng mga kaharian upang tuparin ang Kanyang salita at pagpalain ang Kanyang mga anak.
Huwag mong isipin na dahil nakakaranas ka ng paghihirap sa iyong maliit na mundo ng pagdurusa ay maiksi ang kamay ng Panginoon. Hindi ang ating pag-unlad o katanyagan ang Kanyang buong-pusong hinahanap kundi ang ating kabanalan. At para sa layuning iyon, pinaghaharian Niya ang buong mundo. Sabi sa Kawikaan 21:1, “Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari at naibabaling niya ito kung saan igawi.” At lagi Niya itong ginagamit para sa Kanyang pagliligtas, pagpapabanal, at eternal na layunin sa Kanyang mga tao.
Siya ay isang malaking Diyos para sa maliliit na tao. Mayroon tayong malaking dahilan na ipagdiwang ang katotohanang ito: na hindi alam ng mga hari at presidente at premier at chancellor at hepe ng mundo na sila’y sumusunod sa makapangyarihang utos ng ating Ama sa langit, upang tayong mga anak Niya’y matulad sa imahe ng Kanyang Anak, si Jesu-Cristo — at makapasok sa Kanyang walang-hanggang kaluwalhatian.