Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. (Filipos 3:1)
Walang nagturo sa akin na nago-glorify ang Diyos sa pamamagitan ng ating kagalakan sa Kanya — na ang kagalakan sa Diyos ang mismong bagay na ginagawang karangalan ang ating papuri sa Diyos, at hindi ang pagiging hipokrito.
Ngunit sinabi ito ni Jonathan Edwards na napakalinaw at makapangyarihan:
Niluluwalhati rin ng Diyos ang Kanyang sarili sa mga nilalang [sa] dalawang paraan: (1) sa pamamagitan ng pagpapakita sa . . . kanilang pang-unawa; (2) sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga puso, at sa kanilang kagalakan at kaluguran, at pag-enjoy ng pagpapakilalang ginagawa Niya sa Kanyang sarili . . . Nago-glorify ang Diyos hindi lang sa pagkakita sa Kanyang kaluwalhatian, kundi sa pagkagalak dito . . . .
Kapag ang mga nakakakita nito’y nagagalak dito: Mas naluluwalhati ang Diyos kaysa kung nakikita lang nila ito . . . Siyang nagpapatotoo sa kanyang ideya tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos [ay hindi] niluluwalhati ang Diyos tulad ng nagpapatotoo rin sa kanyang pagsang-ayon at kagalakan dito.
Napakagandang pagtuklas nito para sa akin. Dapat akong patuloy na magalak sa Diyos kung gusto ko Siyang i-glorify bilang napakahalagang Katotohanan sa sansinukob. Hindi lang option ang kagalakan sa pagsamba. Ito’y mahalagang bahagi ng pagsamba. Tunay ngang ang pinakadiwa ng pagsamba — kagalakan sa kaluwalhatian ng Diyos.
May tawag tayo sa mga nagsasabi ng kanilang papuri sa Diyos na hindi namang nagagalak sa kanilang pinupuri. Hipokrito, o mapagpaimbabaw, ang tawag natin sa kanila. Sabi ni Jesus, “Kayong mapagpaimbabaw! Tama ang paghahayag ni Isaias sa inyo na sinabi: Lumalapit sa akin ang mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga bibig at iginagalang nila ako sa pamamagitan ng kanilang mga labi. Ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin” (Mateo 15:7–8). Ang katotohanang ito — na ang kahulugan ng tunay na pagpupuri ay lubos na kagalakan at ang pinakamataas na rason bakit nilika ang tao ay ang uminom nang malalim sa kagalakang ito para sa kaluwalhatian ng Diyos — siguro’y ito ang pinaka-liberating na natuklasan ko.