Listen

Description

Paano kayo nakakahigit sa iba? Hindi ba't lahat ng nasa inyo'y ibinigay lamang sa inyo ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang iyon na parang hindi kaloob sa inyo? (1 Corinto 4:7)

Isipin mo ang kaligtasan bilang bahay na iyong tinitirahan.

Binibigyan ka nito ng proteksyon. Ito’y stocked ng pagkain at inumin na tatagal habang-panahon. Hindi ito kailanman mabubulok o masisira. Ang bintana nito’y nagbubukas sa mga tanawin ng kaluwalhatiang kasiya-siya sa lahat.

Malaki ang ibinayad ng Diyos at ng Kanyang Anak sa pagtayo nito, at ibinigay Niya ito sa ’yo nang libre at tiyak.

Ang kasunduan sa “pagbili” ay tinatawag na “new covenant.” Mababasa sa mga tuntunin nito: “Ang bahay na ito’y magiging sa ’yo at mananatili sa ’yo kung tatanggapin mo ito bilang regalo at kaluluguran ang Ama at Anak habang naninirahan Sila sa bahay kasama mo. Hindi mo lalapastanganin ang bahay ng Diyos sa pamamagitan ng ibang mga diyos o pagtuon ng iyong puso sa ibang kayamanan, bagkus ay matatagpuan mo ang iyong kasiyahan sa fellowship ng Diyos sa bahay na ito."

Hindi ba kamangmangan na umoo sa kasunduang ito, at pagkatapos ay kumuha ng abugado para gumawa ng iskedyul ng amortization na may buwanang bayad, sa pag-asang kahit paano’y mababalanse mo ang iyong accounts at mababayaran ang bahay?

Ituturing mo ang bahay hindi na bilang isang regalo kundi isang bagay na iyong binili. Hindi na magiging malayang benefactor ang Diyos. At magiging alipin ka sa panibagong tuntunin na hindi naman Niya pinangarap na ibigay sa ’yo.

Kung ang biyaya ay magiging libre — na siya mismong kahulugan ng biyaya — hindi natin ito puwedeng tingnan bilang isang bagay na kailangan babayaran.