Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. (1 Timoteo 1:5)
Pag-ibig ang layunin ni Pablo. At isa sa mahalagang pinagkukunan nito ay ang tapat na pananampalataya. Ang dahilan kung bakit ang pananampalataya ay isang siguradong pinagkukunan ng pag-ibig ay ito: Tinatanggal ng pananampalataya sa grace ng Diyos mula sa puso ang makasalanang kapangyarihan na pumipigil sa pag-ibig.
Kung nagi-guilty tayo, puwede tayong malugmok sa makasariling depresyon at awa sa sarili. At hindi natin makikita o bibigyan ng pakialam ang pangangailangan ng kahit sino. O tayo’y magiging ipokrito upang pagtakpan ang ating kasalanan, at sisirain nito ang katapatan ng mga ugnayan at gagawing imposible ang pag-ibig. O pag-uusapan natin ang mga pagkakamali ng ibang tao upang paliitin ang ating sariling kasalanan — bagay na hindi ginagawa ng pag-ibig. Kung tayo’y magmamahal, kailangan nating mapagtagumpayan ang nakasisirang epekto ng kasalanan.
Ganito rin sa takot. Kung natatakot tayo, madalas na hindi natin nilalapitan ang isang bisita sa church na nangangailangan ng welcome at encouragement. O tinatanggihan natin ang pagmimisyon bilang bokasyon, dahil parang masyado itong delikado. O nag-aaksaya tayo ng pera sa mamahaling insurance, o nilalamon ng maliliit na phobia, kaya naman nakatutok na lang tayo sa ating sarili at nabubulagan sa mga pangangailangan ng ibang tao. Lahat ng ito ay ang kabaligtaran ng pag-ibig.
Ganito rin sa kasakiman. Kung sakim tayo, puwedeng gumagastos tayo para sa mga karangyaan — perang dapat ginagamit sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Hindi tayo gumagawa ng anumang delikado, dahil baka manganganib ang ating mahahalagang ari-arian at financial future. Nakatutok tayo sa mga bagay imbis na sa tao, o nakikita lamang natin ang mga tao bilang pagkukunan ng ating materyal na benepisyo. Kaya naman nasisira ang pag-ibig.
Ngunit ang pananampalataya sa future grace ay nagdudulot ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagtutulak ng kasalanan at takot at kasakiman palabas ng puso.
Tinutulak nito ang kasalanan dahil kumakapit ito sa pag-asa na ang kamatayan ni Cristo ay sapat na upang masiguro ang pagpapawalang-sala at katwiran ngayon at habang-buhay (Hebreo 10:14).
Tinutulak nito ang takot dahil umaasa ito sa pangakong, “Ako’y sasaiyo, huwag kang matakot . . . Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas” (Isaias 41:10).
At tinutulak nito ang kasakiman dahil sigurado ito na si Cristo ay nakahihigit sa anumang kayamanang inaalok ng mundo (Mateo 13:44).
Kaya nang sinabi ni Pablo, “Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa . . . tapat na pananampalataya,” tinatalakay niya ang pambihirang kapangyarihan ng pananampalataya upang mapagtagumpayan ang lahat ng balakid sa pag-ibig. Kapag tayo’y lumalaban para sa pananampalataya — isang laban para maniwala sa mga pangako ng Diyos na pumapatay ng kasalanan at takot at kasakiman — tayo’y lumalaban para sa pag-ibig.