Marami pang mga himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad na hindi nakasulat sa aklat na ito.Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo’y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.
Juan 20:30–31
Ito ang talagang pinaniniwalaan ko: Ang mga kasamahan natin na lumaki sa simbahan at kayang bigkasin ang mga doktrina ng ating pananampalataya habang tulog pero naghihikab naman sa Apostles’ Creed — kailangan may gawin sa atin upang muling maramdaman ang pagkamangha, ang takot, ang surpresa, ang paghanga sa Anak ng Diyos, nagmula sa Ama noong una pa lang, sinasalamin ang kaluwalhatian ng Diyos, mismong imahe Niya, at kung saan ang lahat ay nilikha Niya, sinusuportahan ang sansinukob gamit ang salita ng Kanyang kapangyarihan.
Puwede mong basahin ang lahat ng naisulat na fairy tale, lahat ng nakapananabik na nobela, kuwentong katatakutan, at wala kang makikitang mas nakakagulat, kakaiba, at mahiwaga tulad ng kuwento ng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos.
Bakit parang patay tayo sa ganito! Bakit kami manhid at patay malisya sa Iyong kaluwalhatian at kuwento, O Diyos! Ilang ulit kong kinailangang magsisi at sabihing, “Diyos, patawarin Ninyo ako dahil mas napupukaw ng mga kuwento ng tao ang aking damdamin, ang aking pagkamangha at paghanga at ligaya, higit sa iyong totoong kuwento.”
Marahil ay maaaring gawin ito ng malalaking movie thrillers ng ating panahon para sa atin: Kaya nilang gawin tayong mapagkumbaba at dalhin tayo sa pagsisisi, sa pagpapakita na kaya talaga nating makaramdam ng pagkamangha na bihira nating maramdaman kapag pinagbubulay-bulayan natin ang eternal na Diyos at ang cosmic na kaluwalhatian ni Cristo at isang tunay at buhay na ugnayan sa kanila kay Jesus ng Nazareth.
Nang sinabi ni Jesus, “Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan” (Juan 18:37), ang sinabi Niya’y kakaiba at kamangha-mangha at kakila-kilabot, tulad ng anumang sanaysay sa science fiction na iyong nabasa.
O, ako’y nananalangin na mag-alab ang Espiritu ng Diyos sa iyo at sa akin, na ang Banal na Espiritu ay pumasok sa aking mga karanasan sa kamangha-manghang paraan, upang gisingin ako sa di-mawaring realidad ng Diyos.
Balang-araw, mapupuno ng kidlat ang langit mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, at magpapakita sa mga ulap ang Anak ng Tao kasama ang Kanyang malalakas na anghel. At malinaw natin Siyang makikita. At sa takot man o excitement, tayo’y manginginig at mamamangha kung paano tayo namuhay nang pagkatagal-tagal kasama ang maamong Cristo.
Ang mga ito’y naisulat — ang buong Biblia’y naisulat — upang tayo’y maniwala, upang tayo’y magulat at magising sa hiwaga, na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos na dumating sa daigdig.