“Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin.” (Juan 15:5)
Kunwari ay lubos kang paralisado at wala kang magagawa para sa iyong sarili kundi makipag-usap. At kunwari’y may matatag at maaasahan kang kaibigan na nangakong titira kasama mo at gagawin ang anumang kailangang gawin. Paano mo maluluwalhati ang kaibigang ito kung may dumating kang bisita?
Igo-glorify mo ba ang kanyang kabaitan at lakas sa pamamagitan ng pagsisikap na makatayo sa kama para buhatin siya? Hindi! Sasabihin mo, “Kaibigan, pakiusap, maglalagay ka ng unan sa likuran ko para makita ko ang panauhin ko. At puwede mo bang isuot sa akin ang aking salamin?”
Kaya matututuhan ng iyong bisita mula sa iyong mga kahilingan na helpless ka at ang kaibigan mo’y matatag at mabait. Niluluwalhati mo ang iyong kaibigan sa pamamagitan ng pangangailangan sa kanya, at sa paghingi sa kanya ng tulong, at pag-asa sa kanya.
Sa Juan 15:5, sinabi ni Jesus, “Wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.” Kaya talagang paralisado tayo. Kung wala si Cristo, hindi natin kayang gumawa ng Christ-exalting na kabutihan. Tulad ng sinabi ni Pablo sa Mga Taga Roma 7:18, “Alam kong walang mabuting bagay na naninirahan sa aking katawang makalaman.”
Ngunit sinabi rin sa Juan 15:5 na nilayon ng Diyos na gumawa tayo ng maraming kabutihang nagpapadakila kay Cristo—ang magkaroon ng bunga: “Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana.” Kaya bilang ating matatag at maaasahang kaibigan — “itinuring ko kayong mga kaibigan” (Juan 15:15) — nangangako Siyang gagawin para sa atin, at sa pamamagitan natin, kung ano ang hindi natin magagawa para sa ating sarili.
Paano natin Siya niluluwalhati? Ibinigay ni Jesus ang sagot sa Juan 15:7: “Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at matutupad iyon para sa inyo.” Nagdarasal tayo! Hinihiling natin sa Diyos na gawin Niya sa pamamagitan ni Cristo kung ano ang hindi natin magagawa para sa ating sarili — ang magbunga.
Nagbibigay ng resulta ang Juan 15:8: “Napaparangalan ang aking Ama kung kayo’y masaganang nagbubunga at sa gayon kayo’y magiging mga alagad ko.”
Kaya paano naluluwalhati ang Diyos sa panalangin? Panalangin ang bukas na pagtanggap na kung wala si Cristo, wala tayong magagawa. At panalangin ang pagtalikod sa ating sarili at pagharap sa Diyos, sa pagtitiwalang magbibigay Siya ng tulong na kailangan natin.