Day 5
Habang sila’y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Lucas 2:6–7
Iisipin mo siguro na kung ang Diyos ay naghahari sa daigdig at kayang gamiting ang malawakang census ng kaharian upang dalhin sina Maria at Jose sa Bethlehem, masisiguro Niya na may bakanteng silid sa mga bahay-panuluyan.
Oo, puwede Niya itong gawin. Puwedeng-puwede! Puwedeng ipinanganak si Jesus sa isang mayamang pamilya. Puwede Niyang gawing tinapay ang bato sa wilderness. Puwede Niyang tawagin ang sampung libong anghel upang tulungan Siya sa hardin ng Gethsemane. Puwede Siyang bumaba sa krus at iligtas ang Kanyang sarili. Ang tanong ay hindi kung ano ang puwedeng gawin ng Diyos, kundi kung ano ang pinili Niyang gawin.
Kalooban ng Diyos na kahit mayaman si Jesus, Siya’y naging mahirap para sa ating kapakanan. Ang “No Vacancy” signs na nakapaskil sa mga bahay-panuluyan sa buong Bethlehem ay para sa iyong kapakanan. “. . . Kahit na mayaman [siya] ay naging dukha upang maging mayaman kayosa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha” (2 Corinto 8:9).
Pinaghaharian ng Diyos ang lahat ng bagay — kahit ang kapasidad ng mga hotel at Airbnbs — para sa kapakanan ng Kanyang mga anak. Nagsimula ang daan patungong Kalbaryo sa “No Vacancy” sign sa Bethlehem at nagtapos sa pagdura at panunuya sa krus sa Jerusalem.
At hindi natin dapat kalimutan na sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin” (Lucas 9:23).
Sinasamahan natin Siya sa daan patungong Kalbaryo at naririnig Siyang magsabi, “Alalahanin ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako’y inusig nila, uusigin din nila kayo” (Juan 15:20).
Para sa taong masiglang nagsasabi, “Susunod po ako sa inyo kahit saan kayo pumunta,” tumugon si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang mapagpahingahan” (Lucas9:57–58).
Oo, puwede sanang sinigurado ng Diyos na may matutuluyang kuwarto si Jesus sa Kanyang kapanganakan. Pero ito’y maaaring maging palayo sa daan papuntang Kalbaryo.