Nagkakaroon na naman ng imbestigasyon ang dalawang kapulungan ng kongreso tungkol sa nangyayaring pagbaha sa Central Luzon at sa Metro Manila dahil sa mga dumaang bagyo. Maingay din ngayon ang iba't-ibang opisyal ng mga lokal na pamahalaan na apektado ng baha at humihingi ng master plan sa flood control. Sa totoo lang, baha na tayo sa plano. Noon pa man ay may iba't-ibang plano nang inaprubahan ang pamahalaan subalit hindi naman ipinatutupad ng tama. Kung susumahin aabot na sa trilyong piso ang halaga ng perang inilaan ng gobyerno para sa mga proyektong tutugon umano sa problema ng baha. Plano ba talaga ang kulang sa bansang ito, o political will, transparency at accountability sa mga flood control projects na ito? Think about it.