Sa tuwing sinasabing nagkukulang ng pera ang pamahalaan, maliban sa pag-utang, madalas ay dagdag na buwis agad ang naiisip ng gobyerno. Hindi pa nga natin mawari kung paano ginagasta ang nakokolektang Motor Vehicle User's Charge o MVUC, gusto na ng ilang kongresista at ni Pangulong Marcos Jr. na magpataw ng dagdag na Road User's Tax sa mga irerehistrong sasakyan sa LTO. Ang panukala, inaprubahan agad ng House Committee on Ways and Means. Bakit nga ba na sa tuwing kinakapos ng pondo ang gobyerno, laging mamamayang Pilipino ang pinapapasan ng dagdag bigat na buwis? Buti nga sana kung nagagasta nang tama ang nakokolektang buwis at walang mga kaso at iskandalo kaugnay ng pagwawaldas at pagnanakaw sa pera ng bayan. Think about it.