Taong 1994 nang unang ipanukala sa Kongreso ang National Land Use Act na dapat pipigil sa land conversion ng mga lupang pang-agrikultura sa Pilipinas at paglatag ng panuntunan sa wastong paggamit ng kalupaan sa bansa, subalit inabot na ng tatlong dekada ay hindi pa rin naipapasa ang batas. Sa 17th Congress, bagamat nakalusot sa kamara, at kahit makailang ulit nang naipanawagan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA ang pagpapasa ng National Land Use Act, hindi nakakalusot ang batas at natetengga lang sa Senado. Sinasabi ni Senador Sonny Angara na kahit may supermajority sa Kongreso, magpapatuloy umano ang kanilang independence at iiral ang checks and balances sa gobyerno. Sa panahon ngayon na namamayani ang dinastiya sa ating lehislatura at ehekutibo, mamayagpag kaya ang prinsipyo ng checks and balances kaysa interes ng mayayaman sa kanilang negosyo? Maipasa na kaya ang National Land Use Act sa Senado upang mapigilan na ang walang habas na pagkamkam sa mga lupang sakahan na nagiging banta na sa ating food security? Think about it.