Matapos ang anim na taong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, inamin nya mismo na nabigo siya sa kanyang pangako na masawata ang problema sa ilegal na droga sa bansa. At wala pang isang taon sa pag-upo ang bagong Pangulong Ferdinand Marcos Jr., isinapubliko ng kalihim ng DILG ang ika niya ay malawakang pagtatakip ng mga alagad ng batas sa tinaguriang pinakamalaking drug bust sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang problema sa droga noon ay napakalaking problema pa rin ngayon. At ang gera kontra ilegal na droga ay hindi matutuldukan kung hindi mapupurga ang hanay ng gobyerno sa mga tiwaling tauhan nito na siyang kasangkapan ng totoong drug lords. Think about it.