Listen

Description

POSCAST 21

Sa nakaraan, sinundan ni Caesar ang mga kaaway niyang Optimates sa Aprika. Pagdating niya doon, nagkaroon ng labanan ng ‘tugisan’ kung saan ang magkabilang panig ay nagtaktikahan.

May mga menor na mga sagupaan habang ang magkabilang kampo ay nagpatuloy na nagpalakas ng kanilang mga hukbo sa iba-ibang pamamaraan. Naging labanan ito ng patibayan na kung saan ang hukbong Optimates na sa mga tiyempong ito ay nakakalamang sa kanilang probisyon, ay pinagsikapan

nilang patagalin ang alitan. Ang kanilang taktika ay unti-unti nilang pawalain ang mga probisyon ni Caesar at walain ang kanyang mga pagkukuhanan ng mga kakailanganin ng kanyang hukbo at sa gayun ay mapapahina ang kakayanan ng mga mandirigma nito.

Nagkaroon ng bagyo at ilang mga bapor ni Caesar ang pansamantalang nagkanlong sa isang look na nasa kabila ng imus ng kanilang destinasyon.

Natiktikan sila ng mga kaaway at sinunog ng mga ito ang mga barkong may lamang probisyon ng kampong Caesar. Nalaman ni Varus ang nangyari at sinamantala niya ang pagkakataon. Dala niya ang kanyang plotilya at sinalakay niya ang mga bapor sa iskwadron ni Caesar at nabihag niya ang dalawang malalaking bapor.

“.. Nabahala nang labis si Caesar sa isinasagawang taktikang ng mga kaaway; dahil sa kadalas niyang sumabak na kasama ang kanyang kabalyerya, kapag walang suporta ang impanterya, nakita niyang wala siyang kalaban-laban sa kabalyerya ni Scipio na suportado ng kanyang magaang impanterya: at dahil sa wala siyang palatandaan kung gaano kadami ang lehiyong puwersa ng kaaway, ipinagpalagayniyang marami pang darating na mas malalaking problema kapag magsama-sama na ang mga iyon at naisip niya na magiging kalula-lula ang ibubunga nitong kagitlaan.

Karagdagan pa nito, ang bilang at ang laki ng mga elepante ay lalo lamang nanagdagdag ng alinlangan at kilabot sa mga sundalo…”

“…Dahil sa kanyang pag-alala’t pag-iingat, naging mas marahan ang mga galaw ni Caesar at naging mas malalim ang kanyang pag-iisip, kaya nabago nang kapuna-puna ang kanyang kaugaliang pagkaliksi at bilis. Hindi naman ito kataka-taka. Noong nakaraang mga taon ng digmaan sa Gaul, ang kanyang mga tauhan sa hukbo noon ay nasanay sa pakikipagtunggali sa malawak, mapatag at maluwag na kapaligiran.

Sila’y kumakalaban sa nakikita at hindi mandarayang kalaban na nasusuklam sa mapaglinlang na katusuhan at minamahalaga ang kanilang sariling kagitingan at katapangan…”

“…Dumating si Caesar sa Sarsura at sinakop niya ang bayan kahit naroon ang garison ni Scipio na ipinapabantay nito kay P. (Publius) Cornelius. Hindi na nagawang lumaban si Cornelius subalit isang beteranong tauhan ni Scipio ang nagmatigas na lumaban at siya’y napaslang. Ibinigay lahat ni Caesar ang nakaimbak doon na mais sa armi at sa sumunod na araw, nagtungo ang buong hukbo sa bayan ng Tisdra. Sa Tisdra, naroon ang malakas na garison ni Scipio na pinamunuan ni Considius kasama ng kanyang mga gladyador.”

“…Pagkatapos na nakaabanse ang hukbo ni Caesar at sumulong na nagpahagibis ang mga tauhan sa kanilang mga kabayo, sinimulan ni Placidus (sa kampo ni Scipio) na pahabain ang kanyang harap para mapaligiran niya ang hukbo ni Caesar. Bilang katugunan, pinakawalan ni Caesar ang tatlong daang lehiyonaryo niya para umalalay sila sa kabalyerya samantalang si Labienus ay walang tigil sa kapapadala niya ng kahalili ng kanyang kabalyerya na nasugatan o nahapo na…”